Abante Tonite Interactive

Kontrobersiya kay Ravena damay na ang UAAP, NCAA

By
1,542

Dahil sa pagpositibo sa banned substance sa World Anti-Doping Agency­ ni Kiefer Isaac Ravena, sinang-ayunan ng isang veteran national track and field coach ang mungkahi ni Alaska Milk Corp. Chairman Wilfred Steven Uytengsu, Jr.

Iginiit ni Uytengsu sa Opening Ceremony ng Century Tuna Ironman Philippines 2018 sa Subic Freeport Zone noong Sabado, na kailangang ipatupad na rin sa Philippine Basketball Association ang random drug testing upang mahuli ang mga gumagamit ng banned substance.

“Tama siya (Uytengsu). At dapat lang,” binigyang-diin ni George Noel ‘Jojo’ Posadas sa pitak na ito habang kumukuha ang TP ng komento sa mga kalahok sa kinasangkutan ni Ravena sa nagwakas kahapong 2018 Ayala Philippine Athletics Championships dito sa City of Ilagan Sports Complex sa Isabela Province.

“Gusto ni Pangulong (Rodrigo) Duterte na masugpo na ang illegal drugs sa atin. Simulan na rin sa pinakailalim para magkaaalaman,” hirit ni Posadas, coach din ng Jose Rizal University-Mandaluyong City sa ­National Collegiate Athletic Association.

Hindi lang kilalang esposo si Jojo, 56, ni 15-time Southeast Asian Games gold medalist Elma Muros-Poadas. Siya rin ay matapang, maboka at disiplinadong coach din, na marami nang nahubog na nagbigay ng maraming karangalan para sa bansa.

Dinugtong ni Posadas na minsang nakadalo na rin siya sa isang WADA seminar-workshop sa Maynila kasama ang ilang kapwa NCAA at University Athletic Association of the Philippines coaches.

“Nalaman namin ang mga banned substanc­e mula sa kanila (WADA). ‘Yung ibang coaches baka sa halip na sundin ang WADA hindi natin alam na kinukunsinti ang kanilang athletes na gumamit ng drugs para lang manalo. Tutal wala namang drug tests eh,” ani Posadas.

“Para sa akin hindi lang dapat sa PBA magkaroon ng random drug test. Dapat isama na ang NCAA at UAAP. Magalit na sila sa akin at masagasaan na ang masagasaan. Para rin madisiplina ang mga atleta, para sa kabutihan nating lahat at maalis ang droga sa sports dito sa atin,” panapos ni Posadas.

***

Finish line: Nagpapasalamat po ang inyong lingkod sa naging maayos at magaan na coverage naming Manila-based sports media sa 2018 Ayala Philippine Athleics Championships sa City of Ilagan Sports Complex dito sa Isabela.

Mahusay kasi ang naging pag-asiste ng mababait na mga tauhan ni Mayor Evelyn Catolico Diaz sa Ilagan City Hall Special Project Office, na pinangungunahan nina Public Information Officers Pastor P. Bacungan at Sydney Pontejos.

Kasama nila sina Abcel C. Battung, Jee-yun Reyes, Trisha Mamuri, Jade Oliveros, Felipe Soriano, Jr., Carlito Agustin, Jr., Reynaldo Bersamin at Rosemarie Singueo. Lumawak pa po ang tribo ninyo!