Abante Tonite Interactive

Koordinasyon sa mga LGU ayusin para`di magkalituhan

469

Kalahating buwan na ang ipinaiiral na enhanced community quarantine sa buong Luzon dahil sa coronavirus disease 2019 pero hanggang sa ngayon ay hindi pa rin maayos ang implementasyon ng mga awtoridad at mga local government unit (LGU) sa regulasyong inilabas ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.

Mula sa simpleng implementasyon ng enhanced community quarantine hanggang sa delivery ng mga pangunahing pangangailangan lalo na sa mga pagkain ay sumasablay pa rin ang mga nagpapatupad nito.

Araw-araw ang ginagawang assessment ng IATF sa mga ipinatutupad na regulasyon at araw-araw ding mayroong rebisyon subalit pagdating sa implementasyon ay hindi agad nasusunod.

Kailangan sigurong araw-araw ay mayroong abiso sa mga LGU para mabilis na maiparating ito hanggang aa mga barangay.

Kagaya na lamang ng window hours na ipinatutupad sa bawat barangay sa Luzon na ipinaalis na ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año subalit hanggang aa ngayon ay walang sumusunod nito, bagkus tuloy pa rin ang window hours na mula 8-10am at 3-6pm.

Sa mga checkpoint naman ay marami pa rin ang may sariling diskarte dahil sa kabila ng paulit-ulit na pahayag ng IATF na huwag harangin ang mga magdadala ng pagkain at supply sa Metro Manila at buong Luzon, pinipigil at naaabala pa rin ang mga driver dahil kung ano-ano pa ang hinahanap para makaraan lamang ang mga ito.

May mangilan-ngilang tukmol sa mga checkpoint na malakas ang apog at makapal ang mukha na nanghihingi at nangongotong bago palagpasin sa checkpoint ang mga truck driver kaya naman markado na ang mga ito sa Chief PNP.

Hindi ko alam kung saan may problema dahil lahat naman ng regulasyon at direktiba ng IATF ay maaari nang i-access kahit saan, bukod pa sa araw-araw na nakikita at naririnig ang mga opisyal sa radyo at telebisyon, at nababasa online ang lahat ng may kinalaman sa implementasyon ng ECQ, pati na rin ang mga ginagawa ng gobyerno.

Mahalaga ang ipinangakong tulong ng gobyerno para sa lahat ng Pilipinong naapektuhan ng ECQ, partikular na dito ang mga food pack at tulong pinansiyal na inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kaya dapat magkusa na ang mga gobernador at mga alkalde na makipag-ugnayan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE) para malinawan kung sino ang mga prayoridad at kung paano maipaabot ang tulong ng gobyerno sa mga tao.

Lahat po ay apektado sa paghihigpit para hindi na lalong kumalat pa ang COVID-19 kaya dapat maging malinaw sa mga LGU lalo na sa mga barangay kung sino-sino ang mga dapat na prayoridad sa ayuda ng gobyerno.

Hindi po pupuwede `yong kung sino lang ang gustong bigyan ni Chairman, kung sino lang `yong kakilala at kakampi sa barangay dahil malinaw ang sinabi ni Pangulong Duterte na lahat ay dapat tulungan dahil ayaw niyang may magugutom na Pilipino.

Para po sa mga halal na opisyal ng bayan at barangay, puso ang pairalin sa panahong ito at hindi ang pansariling interes dahil digital na po ang karma, isang pindot ka lang tapos ka na!

Tonite – Wendys Inhouse Ad