Abante Tonite Interactive

Korapsyon sa Women’s Correctional hahalukayin

374

Tutugunan na ng Department Of Justice (DOJ) ang diumano’y korapsyon sa budget sa pagkain ng mga preso sa Correctio­nal Institution for Wo­men (CIW) sa Mandalu­yong City.

Sa isang pahayag, sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na agad niyang sisilipin ang tunay na istorya sa likod ng sinasabing anomalya sa paglalaan ng pondo sa food catering ng nasa 3,200 nakakulong na kababaihan sa CIW.

Naniniwala si Guevarra na posibleng ang isyu sa piitan ay maaaring nasa aspetong administratibo o sa pamamalakad ng CIW.

Nauna nang lumutang sa media ang caterer sa CIW na si Angie Bautista kung saan isiniwalat nito na ang budget para sa mga preso ng CIW noong 2017 ay P70 dapat kada bilango para sa buong araw pero ang natatanggap lamang niyang bayad ay P39.

Kinuwestiyon ng abogado ni Bautista na si Atty. Aaron Pedrosa kung saan napupunta ang natitirang P31 mula sa itinakda ng Kongreso na P70 kada araw na budget sa pagkain. (Lorraine Gamo)