Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Korapsyon vs `Pastillas boys’ sinampa sa Ombudsman

0 73

Isinampa na kahapon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act sa Office of the Ombudsman laban sa 19 na opisyal at personnel ng Bureau of Immigration (NBI) na sangkot umano sa `pastillas’ scheme sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Kinilala ni NBI Officer-In-Charge Eric Distor ang mga kinasuhan na sina Grifton San Pedro Medina, Deon Carlo Albao, Fidel Mendoza, Abdulhafez dela Tonga Hadjibasher, Gabriel Ernest Mitra Estacio, Ralph Ryan Macahilo Garcia, Phol Bendaña Villanueva, Abdul Fahad Guro Calaca, Danilo Caro Deudor, Mark Dollete Macababad, Aurelio Somera Lucero III, George Bituin, Salahudin Pacalda Hadjinoor, Chevy Reyes Naniong, Jeffrey Dale Salameda Ignacio, Hamza Usudan Pacasum, Manuel Brillante Sarmiento III, Cherry Pie Payabyab Ricolcol, at ER German Tegio Robin.

Inirekomenda rin na sampahan ng kaso si Liya Wu, may-ari ng Empire International Travel and Tours, dahil umano sa `corruption of public officials’ batay sa Article 212 ng Revised Penal Code.

Ayon kay Distor, nirekomenda rin ang kagdagang kaso na qualified trafficking sa ilalim ng Republic Act No. 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 laban kay Ignacio, alyas `Boss Nyepi’ dahil sa pag-recruit umano sa isang babaeng Taiwanese para makapagtrabaho sa isang POGO company sa Pilipinas kahit na tourist visa lamang ang hawak nito.

Nabatid na matapos umano ang isang linggo, puwersahang nilipat ang Taiwanese sa isa pang POGO na kalaunan ay natuklasang iligal. Kinumpiska ang kanyang passport at nakaranas ng mga pang-aabusong pisikal at mental habang pinagtatrabaho na mistulang alipin hanggang sa ma-rescue ito ng NBI Special Task Force noong Pebrero 3, 2020.

Sinabi ni Distor na isang whistleblower na Immigration officer ang tumestigo kaugnay sa umano’y money-making scheme o “Pastillas” modus.

Isiniwalat umano ng testigo ang sabwatan ng mga Immigration officer at personnel na humihingi umano ng pera, regalo at iba pang benepisyo katulad ng sexual favor mula sa mga dayuhang babae na biktima ng human trafficking.

Nabatid pa na isa umano ang sa umano ang Empire International Travel and Tours na pag-aari ni Liya sa kasabwat sa `Pastillas’ scheme para luwagan ang kanilang mga kliyenteng Chinese.

Inihayag pa ni Distor na para ma-validate ang mga isiniwalat ng kanilang testigo ay nagsagawa rin ng beripikasyon ang kanyang mga operatiba. (Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.