Abante Tonite Interactive

Korean student dinukot ng kababayan naisalba

166

Nasagip ng Philippine National Police-Anti Kidnapping Group (PNP-AKG) nitong Martes nang hapon ang isang Korean national na dinukot ng kanyang kababayan.

Sa ulat ni AKG Luzon Field Unit chief Lt. Col. Villaflor Bannawagan, kinilala nito ang biktima na si Kim Byeong Mo, 19, habang ang suspek na kababayan nito na si Na Jin Suk ay nasa kustodiya ngayon ng PNP-AKG.

Nabatid pa kay Bannawagan na nasagip ang biktima dakong alas-3:00 nang hapon nitong Martes sa isang establisimyento sa Concepcion St., sa Ermita, Maynila matapos ang joint operation ng AKG at Manila Police District (MPD).
Ang operasyon ay nag-ugat matapos humi­ngi ng tulong ang Korean police sa PNP-AKG hinggil sa pagkakadukot umano sa biktima.

Napag-alaman na ang Koreano na isang college student, ay dumating sa bansa matapos itong alukin ng trabaho ng kanyang college senior subalit nalaman nito na ang kompanyang kanyang pinagtatrabahuhan ay sangkot sa mga iligal na aktibidades.

Ayon sa biktima, sangkot sa telephone fraud na kung tawagin ay “voice phising” ang kompanya na ang layunin ay mangotong ng pera.

Patuloy naman ang imbestigasyon hinggil sa kaso partikular sa partisipasyon ng ilang mga kasamahan ng suspek sa kanilang iligal na gawain. (Edwin Balasa)