Abante Tonite Interactive

Koreana padulas ng ginto sa Tate

By
2,285

Tunog-Korean ang umokupa ng top podium sa halfpipe snowboarding ng 23rd Winter Olympic Games 2018 sa PyeongChang, South Korea kahapon ng umaga.

Dugong Korean din si Chloe Kim, pero ibang bandera ang dala niya.

Amerikana na ang 17-anyos na si Kim, kaya ang gold na nasikwat sa Winter Games ay ilalagay sa ilalim ng listahan ng Estados Unidos.

Mula South Korea ay pumunta ng Amerika ang mga magulang ni Kim bago pa siya ipinanganak.

Umiskor siya ng 93.75 sa first run sapat para siguruhin ang first place. Pero binura pa niya ito sa nilistang 98.25 sa final run.

Malayong 89.75 si silver finisher Jiayu Liu ng China, napunta ang bronze sa isa pang American, Arielle Gold (85.75).

Sigurado na sa gold pero may gusto pang patunayan si Kim.

“I was like tearing up and wanted to cry, but I just knew I wasn’t going to be happy even if I went home with the gold, if I knew I could do better,” aniya. “So that third run was really just to prove to myself that I deserved it and did everything I could.”

Nag-qualify na si Kim sa Sochi Games noong 2014, pero masyado siyang bata sa edad 13.

Sa final sa Pyeongchang, sa harap ng mga kamag-anak na naninirahan pa rin sa Korea, pakitang-gilas si Kim para ikuwintas ang pangatlong gold ng US sa tatlo ring snowboarding events pagkatapos nina Red Gerard at Jamie Anderson sa slopestyle.(VE)