Abante Tonite Interactive

Korte bilang sandata

357

Isa sa mga susing sangkap ng pagsisikap ni ­Pangulong Rodrigo Duterte na supilin ang anumang pagtututol sa kanyang tiranikong paghahari ang kanyang tangka na kontrolin ang hudikatura.

Pangunahing ­tinarget ni Duterte ang Korte ­Suprema. Kabilang sa mga pamamaraan niya ang tuwirang pagpapatalsik sa puwesto, tulad ng ­ginawa kay dating ­Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno, na kritiko ng kanyang madugong “giyera kontra droga”; bruskong panlilibak sa harap ng publiko, tulad ng ginawa kay Associate Justice ­Antonio Carpio, kritiko ng kanyang ­patakaran sa West ­Philippine Sea na pumapabor sa ­China; at pagtalaga ng mga ­loyalista sa mga nababakanteng puwesto.

Subalit hindi limitado sa Kataas-taasang Hukuman ang mga ­pagsisikap ni Duterte. Sa bisa ng kanyang Executive ­Order 70, na nagtatakda ng “whole-of-nation approach” upang wakasan umano ang armadong rebo­lusyon na pinangu­ngunahan ng CPP-NPA bago matapos ang kanyang termino sa 2022, tinatangka ngayong kasangkapanin ng militar at pulis ang mga korte bilang ligal na sandata upang ipakulong at patahimikin ang mga mamamayang lumalaban para sa kanilang karapatan at kagalingan at kumokontra sa mapanirang pagmimina, reklamasyon, agri-business, Build, Build, Build, at iba pang proyekto na tinutulak ng administrasyong Duterte.

Malinaw na halimbawa nito ang Synchro­nized Enhanced­ Ma­­na­ging of Police Operations (SEMPO), sabayang pagsa­lakay ng Philippine National Police-PRO 7 (na pinamumunuan noon ni Brig. Gen. ­De­bold ­Sinas) sa ilang ­barangay ng ­Guihulngan City, Negros Oriental noong ­Disyembre 2018, na nagresulta sa pagkamatay ng limang magsasaka at pag-aresto sa mahigit 20. Isinagawa ang madugong operasyong ito sa bisa ng 119 kuwestyunableng search warrant na pinirmahan ng isang hukom: si Judge Soliver Peras ng Branch 10 ng Regional Trial Court 7 ng Cebu City.

Maihahalintulad di­­to ang papel ni Quezon City Executive Judge ­Cecilyn Burgos-Villavert, na lumagda sa hindi bababa sa 10 ­ search warrant na ­ginamit para arestuhin ang ­mahigit 60 aktibista, manggagawa, at magsasaka sa Bacolod City at Metro Manila nitong Oktubre-Nobyembre. Sangkot din si Sinas, na ngayo’y pinuno na ng NCRPO, sa mga ­operasyong ito.

Pananakot ang isang paraan na ginagamit ng AFP at PNP para makuha ang kooperasyon ng mga hukom. Kamakailan, naglabas ng pahayag si Major General Antonio Parlade na dapat imbestigahan umano ang mga hukom na nagbabasura ng mga kaso laban sa mga militante. Kinabukasan, binaril at pinaslang si Judge Mario Bañez ng La Union. Noong ­Set­yembre, ­binasura ni Bañez ang ­gawa-gawang kaso-­paglahok uma­­­­no sa ­ambush ng NPA – na isinampa kay Ra- chel ­Mariano, isang ­com­munity health ­worker.

Dapat ilantad at la­banan ang panghihimasok ni Duterte at kanyang mga pasistang galamay sa mga korte.