Abante Tonite Interactive

Kostumer tinodas sa SM Mall

Inararo ng 9 saksak

By
5,428

Siyam na saksak ng patalim ang ikinamatay ng 56-anyos na kostumer na nagpagawa ng kanyang nasirang laptop sa isang computer shop sa loob ng SM mall sa Quezon City noong Huwebes ng hapon.

Kinilala ni P/Supt. Rodelio B. Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), ang biktimang si Geroldo Ramon Querijero, 56-anyos, may ­asawa, freelance auditor at residente ng No. 153 K 2nd St., Brgy. Kamu­ning, Kamias, QC.

Ang biktima ay namatay habang ginagamot sa JP Sioson Hospital sanhi ng tinamong saksak ng kutsilyo sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Agad namang tumakas ang suspek na nakilalang si Leo Onate Laab, 43-anyos, head technician ng PC Homes Service Center at naninirahan sa Pritil, Herbosa, Tondo, Manila.

Sa imbestigasyon ni PO3 Elario Wanawan, ng CIDU, ang madugong krimen ay nangyari dakong alas-5:40 ng hapon sa PC Homes Service Center na matatagpuan sa ika-5 palapag ng SM North Edsa sa Brgy. Sto. Cristo ng nasabing lungsod.

Nagtungo umano ang biktima sa nasabing computer shop noong Marso 8 at pina-repair ang kanyang Asus notebook laptop na tinanggap naman ni Mark Anthony Rivas, isa sa mga technician sa nasabing computer shop.

Nitong Huwebes ng hapon (Abril 6) ay bumalik ang biktima sa computer shop para kunin na ang kanyang laptop na ipinagawa subalit ang humarap sa kanya ay ang suspek at hinihingan siya ng job order para umano mai-release ang kanyang item na ipinagawa.

Dito ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa dahil walang maipakitang ‘job order’ ang biktima kahit na may dalang resibo.

Hanggang sa suntukin ng suspek ang biktima sa tiyan at sa galit ng huli ay sinabuyan naman nito ng tubig sa mukha ang una.

Nagbitiw din umano ng salita si Querijero sa suspek na babalik siya na dala ang job order at isasampal sa huli.

Dito na nakakuha ng pagkakataon ang suspek na magpunta sa kalapit na hardware at bumili umano ng kutsilyo na ginamit sa krimen.

Humihingi naman ng hustisya ang asawa ng biktima sa nangyari sa kanyang asawa.

Labis din ang pagdadalamhati nito dahil wala man lang umawat sa nangyaring away ng kanyang asawa at ­suspek na hindi na sana umano nauwi sa pagkamatay nito.

Tiniyak naman ng pamunuan ng SM malls at ng computer shop na PC Home na nakikipagtulungan na sila sa imbestigasyon ng pulisya.

Hinahanting na rin ang suspek na mabilis na tumakas matapos ang krimen.