Abante Tonite Interactive

Kotse kinaladkad ng tren: Waitress nalasog

514

Bali-bali ang mga buto at nasawi ang isang 21-anyos na babae habang nasa malubha namang kalagayan ang isang engineer matapos salpukin at kaladkarin ng tren ang kanilang sasak­yan sa Biñan City, Laguna, Sabado ng gabi.

Kinilala ng Police Col. Eleazar Matta, Laguna police provincial director, ang nasawing biktima na si Mary Ann Valenzuela, isang waitress at nakatira sa Caloocan City.

Sa pinakahuling ulat naman ay nasa malubhang kalagayan umano ang kasama ni Valenzuela na si Engineer Joel Pablo, 28-anyos at residente ng San Pedro, Laguna, na siyang nagmamaneho ng Toyota Corolla Altis na kinaladkad ng tren.

Kusang loob namang isinuko ng pamunuan ng Philippine National Railways (PNR) sa pulis­ya ang dalawang driver ng tren na nasangkot sa aksidente na nakilalang sina Ryan Arias, 40, at Jay Constantino, 34, na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide and serious physical injury.

Ayon kay Matta, nangyari ang sakuna dakong alas-11:32 ng gabi sa PNR Crossing sa Brgy. Canlalay.

Nabatid na pilit umanong tumawid sa railroad intersection ang kotse ng mga biktima kahit may paparating na tren dahilan upang masalpok sila at kinaladkad pa ng ilang metro.

Mabilis naman ang responde ng mga tauhan ng Emergency Res­ponse Unit at Bureau of Fire Protection ng Biñan City at unang hinugot sa nawasak na kotse ang babaeng biktima pero idineklara itong dead-on-arrival sa pinagdalhang pagamutan.

Habang ang biktimang engineer ay naipit sa driver’s seat ang mga binti at hita, at umabot pa ng walong oras bago ito natanggal sa nayuping sasakyan at isinugod sa Ospital ng Biñan kung saan ito nasa malubhang kalagayan.

Lumalabas sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) sa lugar na pinilit ng driver na si Pablo na tumawid sa riles kahit papalapit na ang tren dahil nakalusot ang dalawang nitong sinusundang sasakyan. Pero nang sila na ang patawid ay inabot na sila ng tren at nakaladkad dahilan upang magkayupi-yupi ang sinasakyan nilang kotse. (Edwin Balasa)