Abante Tonite Interactive

Kotse ng misis ni VACC president binaril

452

Basag ang salamin sa passenger seat ng sasakyan ng misis ng pangulo ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) nang paputukan habang nakaparada sa Kamuning Market, sa Quezon City kahapon.

Sa report ng Kamuning Police Station 10, nakita na lamang umano ni Evelina Evangelista, 67, misis ni VACC president Arsenio ‘Boy’ Evangelista, na umuusok ang passenger seat ng kanyang kotseng Toyota Vios (ZNH 413) nang balikan niya matapos mamalengke sa Kamuning Public Market dakong ala-1:36 nang hapon.

Agad na humingi ng tulong sa parking attendant si Evelina at nang suriin ang kotse nito ay may nakita silang isang basyo ng bala ng baril.

“Nung palapit na ako, may narinig akong putok na malakas. Bigla pong umatras ‘yung kotseng Toyota Sedan na kulay itim. Nagmamadali. Nu’ng sisitahin ko na, hindi na ako pinagbuksan ng salamin dire-diretso na pong umalis,” ayon kay Gng. Evangelista.

Hinala ng misis ng VACC president, baka nainis umano ang driver ng kotse dahil masyadong masikip, at hindi siya magkasya kaya sa galit ay binaril ang kanyang sasakyan. (Dolly Cabreza)