Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Krimen laban sa sangkatauhan

0 352

Inilabas ng Prosecutor ng International Criminal Court (ICC), si Fatou Bensouda, ngayon Martes, Disyembre 15, ang kanyang ulat na nagdedeklarang may “makatwirang batayan” para paniwalaang may naganap na mga krimen laban sa sangkatauhan, sa anyo ng pagpatay, torture, at “infliction of serious physical injury and mental harm,” sa pagpapatupad ng administrasyong Duterte ng tinagurian nitong “War on Drugs.” Sinasaklaw ng ulat ni Bensouda ang mga krimeng nangyari mula sa pag-upo ni Pang. Duterte puwesto noong 1 Hulyo 2016 hanggang 16 Marso 2019, ang huling araw ng pagpapasailalim ng Pilipinas sa Rome Statute, ang tratado na lumikha sa ICC. Ayon kay Bensouda, pagpapasyahan ng kanyang opisina ang paghiling sa ICC ng pagbukas ng imbestigasyon sa sitwasyon sa Pilipinas sa unang hati ng 2021.

Mainam na pagmuni-munihan ang kabuluhan ng ulat ng Office of the Prosecutor ng ICC. Ano nga ba ang mga “krimen laban sa sangkatauhan”? Mauugat ang unang pag-uusig sa mga krimen laban sa sangkatauhan sa Nuremberg trials, ang paglilitis na isinagawa ng mga bansang nagwagi sa World War II sa mga punong opisyal ng Nazi Germany. Hinatulan bilang mga “krimen ng digmaan” at “krimen laban sa sangkatauhan” ang sistematikong pagpaslang ng milyon-milyong mga Hudyo at iba pang lahi at grupong etniko na isinagawa ng Third Reich.

SM food to go Banner Ad

Sa kasalukuyan, tinuturing na krimen laban sa sangkatauhan ang mga malubhang paglabag sa karapatang tao, katulad ng pagpatay, torture, panunupil, atbp., na sadyang pinatutupad ng isang gubyerno, organisasyon, o grupo laban sa mga sibilyan, na malaganap at sistematiko. Naiiba ito sa mga indibidwal na paglabag sa karapatang pantao na maaaring hiwalay o natatanging krimen lamang ng nag-iisang salarin. Maituturing na krimen laban sa sangkatauhan kapag bahagi ng opisyal na patakaran mismo ng isang gubyerno ang pag-atake sa sarili nitong mamamayan. Ayon sa Prosecutor ng ICC, may batayan para sabihing krimen laban sa sangkatauhan ang pagpaslang ng Philippine National Police ng mahigit dalawampung-libong Pilipino, na mga maralita ang karamihan, at ang pagtatakip nito sa pamamagitan ng naratibo ng “nanlaban,” alinsunod sa mga atas at direktiba ni Pang. Duterte.

Bilang isang lipunan, dapat tayong mabahala na namamayagpag ngayon sa Malacanang ang isang pinuno na maihahanay sa mga pinakamasahol na mamamatay ng sarili nilang mamamayan, sa pangunguna ni Hitler. Gayunman, sa kalagayan pinagtatakpan ng mga ahensiya ng ehekutibo, kabilang ang PNP mismo at ang Department of Justice, ang mga krimen ng kapulisan sa ngalan ng gera kontra droga; inutil ang mga korte na pigilan ang paglabag sa karapatan ng mamamayan; at sukdulan ang pangunguyapapa ng Kongreso at hindi maaasahang panagutin si Pang. Duterte kahit lantaran niyang iniaatas ang pagkatay sa libo-libong mga kapwa Pilipino; maituturing na mahalagang hakbang pasulong ang ulat ng Prosecutor ng ICC tungo sa pagpapanagot sa punong arkitekto ng “war on drugs.” Nagbibigay ito ng pag-asa na hindi matatakasan ni Pang. Duterte ang pananagutan sa kanyang mga krimen laban sa sangkatauhan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.