Abante Tonite Interactive

Kriminal bitbit ng Chinese POGO

377

May dala umanong problema ang paglago ng sektor ng Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) sa bansa kung saan bukod sa hindi nagbabayad ng tamang buwis, dumadagsa rin sa bansa ang mga kriminal na Chinese na tumatakas sa kanilang bansa, ayon kay Senador Joel Villanueva.

“Hindi biro ang pagsulpot ng sektor na ito at ang mga kaakibat na
problemang dala-dala nito tulad ng paglikha ng tinatawag na real estate bubble at pagtaas ng krimen sangkot ang mga dayuhan,” pahayag ni Villanueva sa isang statement.

“Sa ating pananaw, hindi po sapat ang kanilang binabayaran na buwis para payagan itong mamayagpag,” dagdag pa nito.

Ginawa ni Villanueva ang pahayag matapos ang ginawang raid ng Bureau of Immigration sa Pasig City kung saan dinakip ang 277 Chinese nationals sa isang gusali sa Pasig City.

Dahil umano sa paglago ng POGO sector, tumaas din ang renta sa mga tirahan at office space na labis na nakaapekto rin sa mga negos­yante gayundin sa mga manggagagawang Pinoy.

“Tumataas ang renta sa tirahan at office space dahil sa sektor na ito, at lubos na naaapektuhan ang a­ting mga kababayan na negosyante at manggagawa,” ani Villaneuva.

Bukod diyan, pati ang mga takas na kriminal sa China ay dumadayo dito sa bansa para makapambiktima din ng mga kababayan nila, ang karamihan at mga biktima ng human trafficking.

“Dumadayo na rin po sa ating bayan ang mga kriminal na tumatakas sa kanilang pananagutan sa batas ng China, tulad na lamang ng nakaraang raid sa isang opisina sa Pasig noong nakalipas na linggo,” ayon kay Villanueva.

Kung tutuusin aniya’y kokonti lang ang benepisyo ng sektor na ito su­balit malaking abala naman ang dala sa ating bansa kaya’t nararapat lang na ipatigil na ang operasyon nito sa Pilipinas.

“Maging ang gobyerno ng China po ay hinihiling na ipagbawal na ang pagpapatakbo ng mga POGO mula sa ating pamahalaan,” anang senador.

“Maliit lang po ang benepisyo natin sa sektor na ito, at mas malaki pa ang dulot na abala sa atin nito. Dapat po talagang ipatigil ang operasyon nitong mga POGO sa ating bayan,” dagdag pa nito.

Nanawagan din si Villanueva sa Department of Interior and Local Go­vernment na suportahan ang panawagan ng Department of Finance na hilingin sa mga LGUs na i-revoke ang business permit ng mga POGO na hindi sumusunod na batas na pagbubuwis sa bansa. (Dindo Matining)