Abante Tonite Interactive

Kris kayang ibalik ang milyones para tumakbo sa politika

By
1,426

tonite-no-thanks-cristy-ferminNaalarma kami sa mga huling posts ni Kris Aquino bilang sagot sa mga bashers niya na kumukuwestiyon sa ginawa niyang pagmamagandang-loob sa mga binagyo-binaha nating mga kababayan sa Marikina.

Pinalalabas kasi ng mga ito na kaya namahagi ng tulong ang aktres-TV host sa mga sinalanta ng kalamidad ay dahil may plano siyang tumakbo sa darating na halalan.

Inuudyukan pa siyang tumakbo bilang mayor ng Quezon City ng isang basher, ‘yun daw ang pailalim na dahilan ng kanyang pagtulong sa mga binaha, kaya labas siya nang labas ng video ng pagpunta niya sa Marikina.

Sinakyan ni Kris ang matabil na dila ng basher, bakit nga raw naman hindi, may ilang buwan pa siyang makapag-iisip kung tatanggapin niya ang hamon na tumakbo sa Kyusi.

Walang problema sa pondong gagamitin niya sa kampanya, hindi na niya kailangang pang humingi ng suporta sa iba, meron siyang sapat na halagang naiipon para gastusan ang kanyang pagtakbo.

Lalong walang maibubutas sa kanya ang BIR dahil religious taxpayer siya, nangunguna ang kanyang pangalan sa pagbabayad ng buwis, dahil hanggang sa huling sentimo ng kanyang kinikita ay deklarado.

Madiin ding sinabi ni Kris Aquino na ang perang hawak niya ay pinagpagurang halaga, hindi pondo ng bayan, salaping pinagpawisan at pinagpuyatan niya ang anumang meron siya ngayon.

Naku, kapag hindi tumigil ang mga walang magawang bashers d’yan, anumang senaryo ay maaaring maganap, lalo na kung itinutulak na si Kris sa pader.

Kahit pa madalas idiin ni Kris na kapipirma lang niya ng kontrata sa mga multinational companies na malinaw na nakasaad na hindi siya maaaring pumasok sa pulitika ay mawawalan ‘yun ng saysay kapag nagdesisyon siyang tumakbo.

Kaya niyang ibalik ang milyones na talent fee niya, kahit ang danyos dahil sa hindi niya pagsunod sa pinirmahan niyang kontrata ay kayang-kaya rin niyang bayaran, kaya nakakaalarma ang mga huling posts ng aktres-TV host kapag hindi pa siya tinantanan ng mga nadududa sa mga ginagawa niyang pagtulong sa ating mga kababayang nangangailangan.