Abante Tonite Interactive

Kris sobrang iwas sa mikrobyo

1,038

Kumusta na raw ba si Kris Aquino, tanong ng kaibigan naming propesor na numero unong tagasuporta ng aktres, maayos daw ba naman ang sitwasyon niya ngayon?

Nag-aalala si prop dahil nito nga namang mga nakaraang panahon ay sumailalim sa maselang gamutan si Kris dahil sa kanyang sakit.

Sa Singapore pa siya nagpapagamot, milyun-milyon na ang kanyang nagagastos, kayang-kaya naman ‘yun ng kanyang bulsa pero ang kanyang sitwasyon ang inaalala ng kanyang mga tagahanga.

Sa mga huling post ni Kris ay nandu’n ang ideyang maayos na siya, pero marami pa rin siyang iniinom na gamot, para sa kanyang allergy.

Tapikin mo nga lang si Kris ay namumula na ang kanyang balat, sobrang sensitibo ng kanyang katawan, kaya sobrang iwas na iwas siya sa mga mikrobyo.

Bago siya dumating sa kanyang dressing room ay nauuna na ang kanyang alalay, nag-i-spray na ng disinfectant sa buong lugar, ganu’n kabantay ni Kris ang kanyang kaligtasan.

Sabi ng isang nakausap namin ay kulang kasi sa anti-bodies si Kris. Mahina ang kanyang immune system dahil hindi niya naman naranasang maglaro sa ulanan, ibang-iba ang kanyang kabataan, puro makina lang ang laruan niya, kaya mahina ang kanyang resistensiya.

Lumaki siyang may gintong kutsara sa bibig, napakalinis niya at wala siyang exposure sa may karumihang paligid, anumang sobra ay hindi rin nakagaganda.

Sa sobrang kasikatan ng banyagang personalidad na si Tom Cruise ay nagsisingit ito ng panahong makauwi sa lugar na kanyang kinalakihan para balikan ang kanyang kabataan.

Sabi nito sa isang panayam, “I go to the fields whenever I have enough time. When you fly a kite, your gray hair becomes black again.”

Salot pinahinto ang mundo

Hanggang sa katapusan ng buwan ang ekstensiyon ng enhanced community quarantine. Tulad sa maraming bansang nililigalig din ng COVID-19 ay hindi pa napapatag ang curve.

Hanggang hindi nawawala ang sunud-sunod na epekto ng epidemya sa ating bansa ay walang katiyakan kung hanggang kailan tayo babalik sa normal na sitwasyon.

Sa ikalimang linggo ng ECQ ay ramdam na ramdam na natin ang mga pagbabagong ni sa panaginip ay hindi sumagi sa ating isip.

Pinahinto ng salot na ito ang ikot ng mundo. Pati ang nakagawian na nating pag-uwi sa probinsiya kapag dumarating ang Mahal Na Araw ay hindi na natin nagawa.

Tahimik ang paligid, wala tayong naririnig na nagbabasa ng pasyon, bawal nga kasi ang pagsasama-sama nang marami sa isang lugar lang bilang pagpapahalaga sa social distancing.

Nakakalungkot ang mga nagaganap ngayon pero sabi nga ng kaibigan naming psychologist, happy hormones lang tayo, kahit pa kumokontra na ang ating bulsang naghihingalo.

Mas mabisa pa raw kasi sa vitamins ang pagiging palaging masaya sa kabila ng mga paghamon. Humahaba raw ang buhay kahit ng mga may taning na ang buhay dahil sa positibong pananaw sa buhay.

Kunsabagay, kahit naman saang aspeto ng buhay ay gumagana ang happy hormones. Hindi tayo nagtatago ng galit sa ating puso, nakaiiwas tayo sa depresyon, nawawala sa atin ang inggit at ang pinakaultimo ay hindi tayo natatakot mamatay.

Sa bawat negatibong nagaganap ay may nakikita tayong liwanag. Ipinagpapasalamat ng mga anak ngayon ang mahabang-mahabang panahong nakakasama nila ang kanilang mga magulang.

Ang pagdarasal na hindi natin regular na ginagawa ay panay-panay ang usal natin ngayon sa panghihingi ng awa sa Diyos, hindi natin nakikita ang ating kalabang salot, kaya sa Makapangyarihang hindi rin natin nakiktia pero sinasamba natin tayo umaamot ng awa ngayon.

Sa kabila ng sakripisyo ay maraming positibong kaganapan din tayong nakikita ngayon. Kaya manatili lang tayong positibo, basta huwag lang sa coronavirus, at tuloy ang ikot ng ating mundo.

Tonite – Wendys Inhouse Ad