Abante Tonite Interactive

Krisis sa China: Mga OFW nagpasaklolo sa DOLE

769

Humihingi ng tulong sa gobyerno ang maraming overseas Filipino worker (OFW sa China dahil halos wala nang kita at ang iba ay nawalan ng trabaho dahil sa epektong idinulot ng coronavirus disease 2019.

Sinabi ni Philippine Ambassador to China Jose Sta. Romana sa Laging Handa public briefing nitong Lunes, na karamihan sa mga manggagawang Pinoy sa China ay “no work, no pay” dahil nagsara ang lahat halos ng mga establisimiyento na pinapasukan ng mga ito.

Ang mga English teacher naman aniya ay tumatanggap lamang ng living allowance na hindi sapat sa kanila kaya nananawagan ang mga ito sa Department of Labor and Employment (DOLE) na saklolohan sila.

“Ang problema ng mga OFW dito sa China ay trabaho. Karamihan sa kanila ay no work no pay at walang kita kaya nagtatanong sila kung matutulungan sila ng DOLE. Para sa mga teacher, underpaid sila ngayon dahil walang klase sa China at living allowance lamang ang tinatanggap na hindi sapat sa kanila,” ani Sta. Romana.

Karamihan aniya sa mga Pinoy na apektado ng COVID-19 crisis sa China ay mga guro, entertainer, at iba pang propesyon.

Malaki rin aniya ang problema ng mga undocumented household worker na naapektuhan ng lockdown sa China at karamihan sa mga ito ay gusto nang umuwi sa bansa.

Gayonman, bago makauwi sa Pilipinas ay kinakailangan munang iproseso sila ng Chinese police at kailangan na rin ng mga undocumented OFW ang exit visa.

“Marami ring undocumented na household workers na nawalan ng trabaho at gustong umuwi pero mayroong proseso ang Chinese government na kailangang sumuko muna sa Chinese police, at kailangan na rin nila ng exit visa,” dagdag pa ni Sta. Romana. (Aileen Taliping)

Tonite – Wendys Inhouse Ad