Abante Tonite Interactive

Krisis sa pagkain

By
218

“Huwag mo naman i-discriminate ka­ming mga Bisaya na kumakain ng mais bilang pansaing.”

‘Yan naman ang bungad sa akin ni Agriculture Secretary Manny Piñol sa aking panayam sa kanya sa ‘Radyo na! TV pa!’ Program sa DZBB at ‘GMA News TV’ noong nakaraang linggo. Agad kong nilinaw sa butihing kalihim na hindi ko dini-discriminate ang mga Bisaya.

Ang sinasabi ko lang ganito: Para ialok mo ang corn rice bilang alternatibo dahil mahal ang presyo ng bigas ay pagpapatunay lamang na hindi kayang gawan ng Department of Agriculture nang remedyo ang mataas na presyo ng bigas sa merkado. Pambihira naman ginoong kalihim. Tinangka mo pa akong pasamain sa mata ng mga Bisaya at mga kumakain ng rice corn para pagtakpan ang inyong pagkukulang.

Kesyo marami raw nutritional value ang mais kumpara sa bigas. Low glycemic index daw ang mais kumpara sa bigas na mataas sa sugar, mas maganda para sa mga diabetic, fibrous daw ito kumpara sa bigas na mahirap tunawin etc. Maaaring tama naman siya sa nutritional value ng mais. Pero paano naman kaming mga sanay kumain ng bigas? Dahil ba sa mas mataas at hindi nila ka­yang gawan ng paraan ang sobrang kamahalan nito, titiisin na lamang namin ang pagkain ng mais? Hindi ba pagpapakita lamang ‘yan ng tunay na estado ng food security sa ating bansa?

Ang katotohanan ay ganito: Ang presyo ng bigas, isda, manok, baboy ay lubhang tumaas na. Sa katunayan, ang sektor ng agrikultura ang siyang sinisisi ng mga economic manager ng Duterte administration kung bakit tumaas ang inflation. Sa kabila ng importasyon ng bigas ng NFA na layong pababain ang presyo ng commercial rice sa merkado, hindi man lamang nito na-stabilize ang presyo bagkus patuloy ang pagtaas nito.

Buong pagmama­laki pa ni Piñol, “The farmers never had it any better than today.” Sila raw kasi ang nakikinabang sa taas presyo nito. At the expense of the millions of Filipino consu­mers at large? ‘Yan ba ang pinakamagaling mong performance bilang kalihim ng DA? Pangulong Duterte, mukhang kailangan niyo nang palitan ang mga bataan ninyo sa DA at maglagay ng mga kompetenteng tao sa departamentong ‘yan.

Kailangan natin ng kompetenteng mga tao para resolbahin ang seryosong problema ng krisis sa pagkain. Masyadong naging abala ang administras­yong ito sa pagtutok sa problema ng iligal na droga, nakalimutan nilang tugunan ang dahilan kung bakit ang tao ay bumabaling sa krimen; ‘ang gutom!’