Abante Tonite Interactive

Kudos sa mga health worker

0 603

Balot ng pangamba at kaba ang buong mundo sa paglaban sa isang ‘invisible’ na kaaway, ang coronavirus disease 2019 at habang ang bilang ng meron nito o maaaring meron na nito, gayundin ang mga nasawi dito ay patuloy na tumataas, walang humpay ang mga health expert sa pagtuklas ng gamot na tatapos sa nasabing virus.

Dito, idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang enhanced community quarantine sa buong Luzon area, batay sa assessment at rekomendasyon ng inter-agency task force na binubuo ng ‘frontline national government bodies’ na ang tungkulin ay mahalaga para pigilan ang pagkalat ng nakamamatay na virus.

Muli, ako ay masidhing nananawagan sa lahat na dinggin at sundin natin ang paulit-ulit na panawagan ng ating Pangulong Duterte at mga awtoridad, partikular na ang paglagi sa loob lamang ng bahay upang limitahan ang posibilidad na makakuha ng virus at mabawasan ang panganib na mahawa o makahawa ng iba, sakali’t kayo ay mayroon nang virus subalit nagkataong ‘asymptomatic’ o walang sintomas na nararamdaman, gaya ng ibang kaso, kabilang na ang isa sa mga pumanaw na dahil sa coronavirus.

Huwag nating gawing biro ang home quarantine at curfew na ipinatutupad para sa iisang layunin. Kailangan nating kumilos nang sama-sama kung gusto nating matapos ang bangungot na ating kinakaharap.

Sa Maynila, lubos kong hinahangaan at pinasasalamatan ang lahat ng health frontliner — mga hospital director at staff nila, mga nurse at mga doctor — na walang kapaguran sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin na alagaan ang mga maysakit, nang `di alintana ang mga panganib nilang kinakaharap, maging ang banta na sila mismo ay makakuha ng kinatatakutang virus.

Gayundin, sa mga skeletal force at personnel ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office sa pamumuno ni Arnel Angeles; Manila Health Department sa ilalim ni Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan; Department of Public Services ni Kenneth Amurao at ang mga hospital worker sa ilalim ng pangangasiwa ni Vice Mayor Honey Lacuna.

Salamat din kina City Engineer Armand Andres at Sta. Ana Hospital Director Dr. Grace Padilla, na tumulong upang mabuksan ang Manila Infectious Disease Control Center na hahawak ng mga COVID-19 patient o mga taong maaaring nakakuha ng nakamamatay na virus. Isang bahagi ng Sta. Ana Hospital ang inilaan dito, bilang bahagi ng CODE (contain and delay) COVID-19 program ng pamahalaang lungsod.

Sa pamamagitan ng naturang center, ang mga virus carrier o hinihinalang nahawaan na ay matitipon sa iisang lugar lamang at kung gayon, mas madali ang pagsasagawa ng anumang testing at paggamot na kakailanganin, gayundin ay mababawasan ang posibilidad na maikalat ang naturang virus sa mga komunidad.

May sariling health personnel ito na tanging mga COVID-19 patient lamang ang tututukan. Hiwalay din ang mga elevator nito para sa mga pasyente at health personnel na mayroon ding sapat na protective gear kaya’t walang dapat alalahanin ang ibang pasyente na naroon.

Sa ating minamahal na mga frontliner, Dra. Nerissa Sescon at mga doctor, nurse at iba pang medical staff ng Sta. Ana Hospital at sa lahat ng madedestino sa ating Manila Infectious Disease Control Center, alam ko po na hindi magiging madali ang inatang ko na trabaho sa inyo para bigyan ng agaran at sapat na medical attention ang mga magiging pasyente natin (COVID-19) na mga taga-lungsod.

Ngayon pa lamang, maraming salamat na sa inyo at sa inyong pamilya. Isasama namin kayo sa aming mga dalangin sa Panginoong Diyos para sa inyong kaligtasan at kalusugan.

Kudos din sa mga health worker na tumutulong para hindi mahinto ang mga dialysis treatment. Salamat kay Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center director Dr. Ted Martin, sa pagtitiyak na tuloy-tuloy ang dialysis ng mga pasyente ng Siojo Dialysis Center sa pamamagitan ng patuloy na paghahatid-sundo sa kanila gamit ang apat na sasakyan ng nasabing ospital.

Bilang suporta sa mga minamahal nating health personnel, nag-isyu ang inyong lingkod ng isang atas na nagko-‘commandeer’ sa mga motel at hotel sa lungsod, upang ang mga ito ay magsilbing staging areas ng mga health worker na nakatalaga sa anim na public hospital ng lungsod at sa mga national government hospital na nasa loob ng Maynila.

Ating inatasan ang Manila Health Department at mga hospital director na magbigay ng listahan ng mga health personnel na naninirahan sa labas ng Maynila, upang mabigyan sila ng pansamantalang matutuluyan sa mga hotel at motel sa lungsod, para mas madali silang maihatid-sundo sa kanilang trabaho sa pamamagitan ng ating mga service vehicle. Habang isinusulat ito, nag-alok na ang SOGO ng 421 na kwarto; Eurotel, 50 room at Town and Country, 60 rooms.

Kami sa pamahalaang lungsod, lalo na ang mga health worker, ay hindi tumitigil sa paggawa ng mga hakbang upang iligtas ang mga residente sa pagkakaroon ng coronavirus. Marapat lamang siguro na hilingin ko sa inyo, mga minamahal kong taga-Maynila, na gampanan din ninyo ang inyong bahagi, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga iniatas na regulasyon, partikular na ang home quarantine at curfew na ipinatutupad sa ngayon.

Maaari nating talunin ang nasabing virus kung tayo ay kikilos bilang isa. Kung sama-sama, maaari nating mailigtas ang ating mga mahal sa buhay at maging ang ating sariling buhay.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ring mga Batang Maynila. Manila, God first!

***

Maaari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account — ‘Isko Moreno Domagoso.’