Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Kudos sa mga volunteer health worker

0 280

Patok na patok ang bayanihan ngayon sa bansa na sinimulan sa pagiging isang simpleng community pantry sa Quezon City pero mas nauna na ang serbisyong bayanihan ng medical health workers mula sa Visayas region para tumulong sa mga taga-Metro Manila.

Hindi ito masyadong napagtuunan ng pansin ng madla pero mahigit isang daang doctors, nurses at medical technologists mula sa Cebu ang bumiyahe sa Metro Manila para ibigay ang kanilang serbisyo at magrelyebo sa mga medical frontline workers na sobrang napapagod na dahil sa dami ng mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19.

Kasabay ng napupunong mga ospital sa National Capital Region (NCR) ay ang naramdamang burnt-out dahil sa matinding pagod ng mga duktor, nurses at iba pang medical staff dahil sa walang patid na pagdagsa ng mga pasyente kaya naman nagboluntaryo ang mga medical workers mula sa ibang rehiyon na magrelyebo sa mga ito.

Ang sabi nga ng isa sa nag-volunteer na nurse, panahon ngayon ng pagdadamayan dahil sa pandemya kaya masaya siyang makatulong sa kapwa medical frontliner na kailangan ding magpahinga.

Laban aniya ito ng sambayanan at kahit sila ang nasa frontline para sumabak sa hindi nakikitang kalaban, unang iniisip nila ang kaligtasan ng mga tinamaan ng mabagsik na virus.

Napakagandang hangarin ito mula sa ating volunteer health workers , pero kapansin-pansin na tila iilan lamang ang kumikilala at sumaludo sa aksiyong ito ng mga taga-Visayas.

Kung gaano kabilis ang pagkalat at pag-usbong ng mga bagomg community pantry ay sana ganito rin sa hanay ng ating mga ating medical health workers.

Hindi lang po pagkain ang mahalaga sa mga panahong ito ng pandemya kundi mas mahalaga ang pag-aalaga at pagtulong sa mga maysakit nating mga kababayan na tinamaan ng delubyo ng COVID-19.

Saludo po ako sa inyong lahat na volunteer medical health workers mula sa Central Visayas dahil isinantabi ang takot at agam-agam sa pagsabak sa pandemya.

Batay sa datos, ang Metro Manila ang sentro ng COVID-19 pero hindi nagdalawang-isip ang mga ito na mag-volunteer para tumulong at umalalay sa mga kasamahang sobrang napapagod na sa pakikipaglaban sa bagsik ng virus na pumapatay at umaatake sa maramaing Metro Manilans.

May isang larawan sa social media na sadya namang may kurot sa puso kung saan dalawang medical workers ang saglit na nagpahinga subalit nakasuot pa ng personal protective equipment (PPE). Isipin na lamang kung gaano kainit ang suot na PPE, at ang pawis na humahalo dito sa buong panahon ng kanila duty.

Hindi birong sakripisyo, tapang at lakas ng loob ang ipinapakita ng ating medical frontliners sa patuloy na pakikihamok sa kalabang hindi nakikita at walang naririnig na pagsuko sa mga ito kaya naman muling sumasaludo ako sa inyo.

Laban lang po tayo at umaasang matatapos din ang kalbaryong ito na dinaranas ng sangkatauhan!

Leave A Reply

Your email address will not be published.