Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Kudos sa MTPB, SMART, MPD for a job well done

0 204

Nitong nakalipas na linggo ay aming binigyan ng plake at cash award ang isa naming Manila Traffic Parking Bureau (MTPB) traffic enforcer bilang pagkilala sa kanyang dedikasyon sa trabaho, nang magpatupad ito ng tinatawag na ‘maximum tolerance’ at hindi nagpairal ng init ng ulo habang ang sinasaktan ng isang babaeng motorista na kanilang pinara.

Ginawa ito nung babae habang nagwawala at sinusubukang agawin ang papeles ng kanyang sasakyan na kanyang ibinigay sa enforcer.

Kasama ko sina Vice Mayor Honey Lacuna at MTPB chief Dennis Viaje sa pagbibigay parangal at papuri kay Marcos Anzurez, Jr. dahil sa haba ng pasensiyang ipinamalas nito.

Habang isinusulat ito, ang nasabing motorista na si Pauline Mae Altamirano alyas Maria Hola Sy, 26, na umano ay isang model at naninirahan sa Unit 8E, Tres Palmas, Taguig City, gayundin ang kanyang mga kasapakat na sina, Rendor Sanchez, 30; Jason dela Cruz, 29 at Marlon de Guzman, 29, lahat ng Calamba, Laguna, ay pawang kinasuhan na ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act sa Manila Prosecutor’s Office. Silang apat ay di lamang nakuhanan ng droga kundi positibo din sa paggamit ng iligal na droga nang sila ay idaan sa test.

Kaya naman pala ganun ang iniasta ni Altamirano nang araw na iyon, kung saan nakunan ng video na sinasapak niya ang kawawang si Anzurez.

Itong si Altamirano ay sinita ni Anzurez dahil sa paglagpas sa red light, kung saan ay di ito nakapagpakita ng driver’s license. Nang malaman niyang mai-impound ang sasakyan niya, tinangka niyang agawin ang papeles ng kotse na una na niyang iniabot kay Anzurez at nang tumanggi ang huli ay dun na nagwala ang motorista at pinagsasaktan na si Anzurez.

Nag-lock sa loob ng sasakyan ang motorista kaya’t humingi ng tulong sina Anzurez kay special mayor’s reaction team (SMART) chief Lt. Col. Ibay who had the vehicle towed.

Sa tanggapan ni Ibay ay pinroseso si Altamirano at dun nadiskubre na may lamang mga droga ang bag nito nang hilingin sa kanyang ilabas ang mga laman nito.

Tiyempong nakatanggap si Altamirano ng text messages mula sa isa sa mga lalaking suspects na nagtanong kung nakita ba ang drogang dala niya. Di nila alam na nagco-cooperate na si Altamirano sa pulisya.

Inatasan ni LtCol. Ibay si Altamirano na papuntahin si Sanchez para kunin ang bag na may droga at dun na ito nadakip. Agad naman nitong ikinanta ang mga kasamahan na naghihintay sa kanya sa isang van na nakaparada sa tabi ng Universidad de Manila at doon na din naaresto ang dalawa pa at nakuhanan din ng droga ang tatlo.

Kinailangan kong makita mismo at mapagsabihan ang mga suspects dahil sa pagdadala sa Maynila ng kanilang iligal na aktibidad, kahit pa ganoong kaseryoso ang lungsod pagdating sa mga paglabag sa batas, lalo pagdating sa droga.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Muli ay nagpapasalamat ako kay Anzurez sa pagpapamalas sa lahat na ang mga tagapagpatupad ng batas sa lungsod ay dapat na magkaroon ng sapat na pasensiya sa pakikitungo sa publiko sa araw-araw nilang gawain.

Gaya ng ibang traffic enforcers, tinitiis ni Anzurez ang init ng araw at ulan bukod pa sa maghapong nakatayo habang ginagawa ang tungkulin sa buong araw pero sa kabila niyan ay hindi niya hinayaang mamayani ang init ng ulo niya. Maari niyang patulan ‘yung motorista pero pinili niyang tiisin ang lahat ng pananakit na ginawa sa kanya.

Sa halip na gumanti, pinili ni Anzurez na huwag gumanti o lumabag sa anumang batas o karapatang pantao dahil nakatayo lang siya sa paniniwalang bilang isang serbisyo-publiko ay dapat na magkaroon siya ng ‘maximum tolerance’ sa publiko.

Ang ginawa ni Anzurez ay malaking tulong sa pagpapanumbalik ng tiwala ng tao at dignidad ng MTPB, lalupa’t talaga namang napakasama ng naging imahe ng MTPB nitong mga nakalipas na taon.

Ipinagmamalaki kong sabihin na sa ngayon ay talaga namang kapuri-puri ang MTPB hindi lamang dahil sa epektibong pagpapatupad ng mga batas-trapiko kung hindi dahil sa paghabol sa mga armadong kriminal kahit pa ito ay mangangahulugan ng pagbubuwis nila ng buhay.

Napag-alaman ko na maging si President Duterte ay na-impres kay Anzurez at gusto pa nga daw niya itong makilala.

Sa puntong ito ay nais ko ding papurihan sina Lt. Col. Ibay at ang Manila Police District sa pamumuno ng Director nitong si Gen. Leo Francisco, dahil sa matagumpay na pagdakip sa apat na drug couriers. Sa kagalingan nila ay nabawasan ng apat na tulak sa kalye ang Maynila.

Nananawagan din ako sa lahat ng motorista na dumaraan sa Maynila na sumunod sa mga traffic regulations at huwag na huwag sasaktan ang aming mga traffic enforcers na ginagawa lamang ang kanilang mga tungkulin.

Hindi nila ‘deserve’ ang ganitong uri ng pagtrato. Sa katunayan, walang serbisyo publiko o tao na karapat-dapat sa nasabing klase ng pagtrato.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! ***
Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.