Abante Tonite Interactive

Kultura ng katapatan nauuso na sa Maynila

0 157

Nakakatuwa na maski paunti-unti ay nagsisimula nang manaig ang kultura ng ‘honesty’ o katapatan sa ating pinakamamahal na lungsod ng Maynila.

Isipin niyo na lang, hindi nag-atubili ang tricycle driver na si Benjie Ordanza, 42, ng B4, Row 12, Unit 6 ING, Habitat, Baseco Compound, Port Area, na agarang ibalik ang backpack na naiwan sa kanyang sasakyan ng Chinese na si Zhang Lei, 26, ng Yatai SPA, 5&6 Plaza 66 Bldg., Manlunas St., New Port City.

Bakit naman hindi natin bibigyang-pugay itong si Ordanza? Alam n’yo ba na ang naiwang bag ni Zhang ay nagla­laman lang naman ng bugkos-bugkos na pera na umaabot sa mahigit P1.2 million? Bukod diyan ay mayroon pang mamahaling relo at power bank.

Nagpapahinga na raw sa kanyang motorsiklo si Ordanza matapos ihatid si Zhang sa kanyang destinasyon nang mapuna niya na may naiwang backpack sa loob ng kanyang tricycle.

Imbes na magkainteres sa laman, nataranta si Ordanza at lumapit siya kay Konsehal Darwin Sia ng ikala­wang distrito. Nabanggit daw nito kay Konsehal Sia na nakikita niya ang mga nagsosoli ng mga naiiwang bagay sa pamamagitan ng aking tanggapan, kaya nagpasama siya kay Konsehal Sia, para dalhin ang naturang bag sa akin.

Nakakuha raw siya ng inspirasyon sa ating paulit-ulit na panawagan at pagkilala sa mga tapat na empleyado at mamamayan.

Agad namang nag-atas si Special Ma­yor’s Reaction Team (SMART) chief Maj. Jhun Ibay para ipa­hanap si Zhang, na nakilala sa pamamagitan ng pasaporte na natagpuan sa kanyang bag. At ayun na nga, pinagtagpo namin sina Ordanza at Zhang sa aking tanggapan upang doon pormal na mai-turnover ang bag sa tunay na may-ari nito.

Sa tuwa namin ni Vice Mayor Honey Lacuna ay binigyan namin si Ordanza ng kaukulang reward na P100,000 at trabaho bilang pagkilala sa kanyang katapatan. Lima ang batang anak ni Ordanza pero hindi niya pinag-interesan ang natagpuang pera.

Sana ay dumami pa ang kagaya ni Ordanza. Sana ay magtuloy-tuloy ang pagbabago ng mga mamamayan ng Maynila patungo sa mabuting asal. Isa siyang inspirasyon na dapat pamarisan ng lahat ng taga-Maynila.
***

Bago nga pala niyan ay nagpunta kami ni Vice Mayor Honey Lacuna sa Philippine Ge­neral Hospital (PGH) kung saan nakapag-donate po tayo ng kabuuang P30 million para sa mga batang pasyente ng PGH na may karamdamang cancer at biliary atresia.

Ako’y lubos na nasisiyahang makatulong sa mga batang ito at sa malugod na pagtanggap ng PGH sa anila ay siyang pinakamala­king ‘single donation’ na kanilang natanggap sa kasaysayan ng nasabing ospital.

Ang bulto ng aking donasyon na umabot sa P24.5 million ay nagmula sa kinita ng isang golf tournament na inorganisa ni Third District Manila Councilor Letlet Zarcal. Kasama naman sa natirang P6 million ang kabayaran ng JAG jeans kapalit ng aking pagmomo­delo para sa kanilang produktong damit.

Para sa mga nagtataka kung bakit sa PGH ko ibinigay ang donasyon at hindi sa mga ospital na pinatatakbo ng pamahalaang lungsod, ‘yan ay sa dahilang specialty sa PGH ang sakit na cancer at biliary atresia.

Bakit sa mga bata at hindi sa matatandang pasyente? ‘Yan naman ay sa kadahilanan na bilang mga may edad o matanda na, nakita na nating lahat ang dapat makita sa mundo. Ang mga bata, wala pang gaanong nakikita o nararanasan sa mundo.