Abante Tonite Interactive

Kumakanta ang isang dating kaibigan

40

Napanaginipan ko ang isang dati kong kaibigan. Nagkatampuhan kami dati at sa pana­ginip ko ramdam kong may tensiyon pa rin na namamagitan sa aming dalawa.

Parang nag-attend daw kami ng party at dahil marami kaming common friends, nagkita kami sa party.

Sa panaginip ko, tulad ng karaniwang party ng aming mga kaibigan ay may karaoke at hinawakan ko raw ang mikropono pero nang nag-uumpisa na ang kanta ay hindi naman daw ako kumanta. Maya-maya, nakita kong tumayo ang ex-friend ko at siya ang kumanta.

Abante Hiring – IT dep

Alam ko yung kinanta niya parang love song pero nagising na ako at paggising ko nakalimutan ko na kung ano ang kinanta niya.

Ang tunay na pokus ng iyong panaginip ay ang iyong dating kaibigan. Puwede itong indikasyon na deep inside ay nami-miss mo ang iyong kaibigan. Ang pagka-karaoke na sabi mo’y ginagawa mo dati ay nagpapakita rin na nami-miss mo na ang ginagawa ninyo dati.

Sa iyong panaginip, binalak mong kumanta kaya hinawakan mo ang mike pero hindi mo nga itinuloy hanggang sa ang dati mong kaibigan ang kumanta. Malinaw na may pangungulila kang nararamdaman para sa iyong da­ting kaibigan kaya naman ang dati mong ginagawang pagka-karaoke kasama siya ay hindi mo nagawa.

Related Posts

At sabi mo nga, sa panaginip mo ay ramdam mo na may tensiyon pa rin na namamagitan sa iyo at sa dati mong kaibigan. Base sa iyong pagkukuwento, wala namang galit sa puso mo sa halip ay tampuhan lamang ang nangyari kaya maaaring mensahe na rin ito ng iyong puso na kailangan mo nang gumawa ng paraan para magkaayos kayo ng iyong dating kaibigan.

Ang panaginip naman na tungkol sa kanta o musika na iyong narinig ay ikinokonek sa magandang pangyayari. Ang musika ay isang positibong pana­ginip dahil kadalasan ang musika ay nagbibigay sa atin ng saya.

Ang musika ay ikinokonek din sa emosyon. Sa iyong panaginip ay love song ang kinakanta ng iyong kaibigan. Bagama’t hindi mo natandaan kung ano ang eksaktong kanta, naiwan sa iyo ang mensahe na kantang tungkol sa pagmamahal ang iyong narinig kaya naman positibo itong maituturing.

Kung pag-aaralan mo ang iyong sitwasyon, maaring ang iyong panaginip ay nagpapakitang kung anuman ang ipinagtampo mo sa iyong kaibigan ay unti-unti nang nabubura.

Maari mong gamitin ang iyong panaginip bilang hudyat na puwede mo nang isantabi ang iyong pride at kausapin ang iyong kaibigan.

DISCLAIMER: Ang DREAM CAT­CHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang pana­ginip, mag-email sa abantedreamcat­cher@gmail.com.