Abante Tonite Interactive

Kumasa sa drug ops; No. 8 sa watchlist bumulagta

155

Isang drug pusher na Top 8 sa Lambat Sibat provincial level drug watchlist ang napatay makaraang magpasyang kumasa kaysa madakip ng buhay sa Plaridel, Bulacan kahapon ng mada­ling-araw.

Limang drug suspect naman ang naaresto sa anti-illegal drug war operation sa bayan ng Baliwag at Marilao, Bulacan kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Police Col. Emma Libunao, acting Bulacan police director, ang suspek na si Rommel Garife y Dionisio alyas Mome at taga-Pulilan na namatay sa buy-bust operation bunga ng tama ng bala sa katawan habang nakatakas ang kanyang kasama lulan ng hindi naplakahan at natukoy na motorsiklo.

Ala-1:05 kahapon ng madaling-araw nang magsagawa ng buy-bust operation ang Drug Enforcement Unit ng Plaridel police sa Brgy. Agnaya sa pangunguna ni Police Lt. Col. Victorino Valdez, hepe ng pulisya ng Plaridel at kanilang target ang notorious pusher na si Garife ngunit nakatunog ang suspek na aarestuhin na ito matapos ang transaksiyon kaya bumunot ng baril at nanlaban kaya napatay habang tumakas ang kanyang kasama patungong Brgy. Lumang Bayan.

Nakuha ng Bulacan SOCO Team sa suspek ang isang caliber 38 revolver, 14 na pakete ng shabu at buy-bust money.

Limang iba pang drug suspect ang nakorner sa Brgy. Poblacion 2, Marilao at Brgy. Sta. Barbara, Baliwag.

Kinilala ni Police Lt. Col. Amado Mendoza Jr., Marilao police chief, ang naarestong sina Mark Anthony Villasenor, 25; Josua Galupong, 22; Kenneth de Leon, nasa PNP/PDEA unified watchlist; Miner Bautista alyas Bumbay, kabilang din sa watchlist at Michael dela Cruz alyas Bukol, 42 na pawang nakapiit ngayon matapos makumpiskahan ng 8 pakete ng shabu at buy-bust money. (Jun Borlongan)