Abante Tonite Interactive

Kumikintab na anit

422

Marou Pahati SarneNakakaloka kapag gigising ka sa umaga at puno ng buhok ang iyong hinigaang unan.

At hindi lang sa unan nag-lalaglagan ang buhok, kahit pa sa iyong sinaing o inihahandang ulam.

Lalo ka sigurong matataranta kapag kumikintab na ang iyong anit.

Ang pagkalaglag ng maraming hibla ng buhok ay karaniwang nangyayari sa mga babae at lalaking tumatanda. Pero may kinalaman din ang ilang mga sakit, lahi, stress, init, gamot at sobrang paglalagay ng mga pamporma sa buhok.

Normal na nalalaglagan tayo ng 60 hanggang 100 hibla ng buhok bawat araw, ayon kay Dr. Susan Salvador, isang dermatologist. Mayroon kasing normal na takbo o cycle ng pagkalaglag at muling pagtubo ng buhok.

Sinabi ni Dr. Salvador na sa anagen phase, tumutubo ang bagong buhok. Ito ay tumatagal ng dalawa hanggang anim na taon. Nagpapahinga naman ng tatlong buwan ang buhok sa anumang aktibidad sa tinatawag na telogen phase. Kapag patapos na ang telogen phase, doon na naglalaglagan ang buhok para gumawa na naman ng bago.

Pero kapag nagkakaedad na, sinabi ni Dr. Salvador na bumabagal na ang pagtubo muli ng buhok.

Nagsisimulang numipis ang buhok ng mga babaeng pumapasok sa menopausal stage. Maaga ring nalalaglag ang buhok sa anit ng mga babaeng may hormonal problems tulad ng polycystic ovary syndrome. Ang masaklap, habang numinipis ang buhok sa ulo ng mga babaeng may PCOS, tumutubo naman ang buhok sa kanilang dibdib at likod, at nagkakabigote pa. Ang pagbubuntis ay maaari ring maging dahilan ng pagkalaglag ng mga buhok.

Ang mga lalaki naman, kahit wala pa sa andropause stage, ay maaaring magsimulang numipis ang buhok pagpasok ng edad treinta, lalo na kung nasa lahi nila ito.

Ang mga sakit na tulad ng lupus, anemia, problema sa thyroid gland, stress at depression ay maaari ring pagmulan ng unti-unting pagkakalbo. May gamot din na nakakalaglag ng buhok tulad ng steroids, gamot sa taghiyawat na may retinoid, gamot sa fungus, gamot na pampanipis ng dugo, gamot na pampapayat, cancer treatment medications, epilepsy drugs, at maging ang mga anti-depressant drugs.

Ang payo ni Dr. Salvador sa mga mabilis na nauubusan ng buhok, kumain ng masustansyang pagkain lalo na ang mayaman sa Vitamin A, B, C, D at E at sa mineral at nutrients tulad ng iron, zinc at protina.

Importante ring masahehin ang anit para gumanda ang daloy ng dugo at matulungang patubuin muli ang buhok. Gamitin ang mga bola ng daliri habang nagsa-shampoo para mamasahe ang anit.

Si Marou Pahati Sarne ay isang anchor sa Dwiz 882 KHZ AM. Dalawang beses siyang nakatanggap ng KBP Golden Dove Award for Best Radio Magazine Program Host.