Abante Tonite Interactive

Kumislot talangka sa kukote

284

Naghahagilap ako kahapon ng pwede kong matalakay sa a­king kolum.

Bumuklat ako ng ilang pahayagan sa a­ming news stand saka ako naupo na sa silya sa tabing mesa na pinagtatrabahuhan namin ni kasama at Abante Sports Editor Ferdinand ‘Ferdz’ delos Santos.

Nag-open din ako ng ilang sites sports baka kako may matisod akong isyu.

Bigla na lang akong nagulat nang humahangos na sumulpot sa harapan ko ang paborito kong janitor na pagod na pagod sa kapapahinga at puyat na puyat sa katutulog dito sa aming opisina sa Makati.

“Boss good noon. Boss maling-mali naman ang Philippine Olympic Committee, pati si POC president Victorico ‘Ricky’ Vargas. Bakit si Jose ‘Joey’ Romasanta ang ini-aappoint niyang chef-de-mission ng 32nd Summer Olympic Games 2020 sa Tokyo, Japan?,” bumubula ang bibig na mga tirada ng damuho.

Dinagdag niyang may edad na raw si Romasanta at dapat nang magpahinga o tinanggihan daw ang maselang trabaho para sa 2020 Philippine Olympic contingent. Lalo’t wala na rin daw nagtitiwala o wala na itong kakayahang kumuha ng mga sponsor dahil sa minsang nabahiran na rin ng batik ang pangalan.

“Boss wala na bang makuha si Mr. Vargas sa mga kasamahan niya sa POC at ang bata pa ni ex-prexy Jose ‘Peping’ Cojuangco, Jr. ang tinapik niya sa sensitibong puwestong yan?” patuloy na atake nito.

Natigil lang ang kolokoy nang bahagya kong taasan ng boses, pinagsabihan ko.

“Magtigil ka nga riyan. Lunes na Lunes ‘di good vibes ang dala mo. Tantanan mo na si Joey. Baka last hurrah na rin naman niya yan. At may maganda ring nagawa yan kahit paano noong panahon niya sa Project Gintong Alay bilang executive director noong dekada 80 nang wala pang Philippine Sports Commission,” pagtatanggol ko kay Romasanta.

Nakinig naman ng bugoy sa mga tirada ko. At nagpaalam nang bigla siya pagkaraan, saka ko na tinipa ito. Napatinga na lang ako at huminga nang malalim.

Nalala kong Lunes nga pala kaya kumislot na naman ang talangka sa ulo ng paborito kong janitor. ***

Binabati ni Concepcion Elementary School-Malabon City Principal Dr.Modesto J. Alegria at lahat ng grade six teachers-advisers ang mga nagsipagtapos na estudyante na kabilang sa CES Batch 2018-2019 nitong Biyernes, Abril 5.