Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Kumpara kay esmi:Male personality ‘di mayabang

0 675

Nakakaloka ang mga kuwentong lumulutang ngayon tungkol sa isang sikat na lalaking personalidad at sa kanyang misis na hindi naman artista pero parang artista na rin ang datingan ngayon.

Sa totoo lang, wala pang milyones ang male personality ay magkasama na sila ng girl, nagsama sila sa hirap at ginhawa.

Sabi ng aming source, “Oo naman, nagtiis ang girl sa simple lang nilang buhay. Wala pa namang pera nu’n ang male personality, pero kulang man sila sa pampinansiyal na aspeto, masaya naman sila,” sabi nito.

Hanggang sa kasihan na nga ng kapalaran ang male personality, nagtagumpay ito sa kanyang linya, hanggang sa maging bilyonaryo na.

Patuloy ng aming impormante, “Kaya madaling intindihin kung bakit siya ganyan ka-flaunty. Ganu’n naman talaga kapag wala, di ba? Bumabawi kapag meron na.

“Kung saan siya pinagdamutan ng kapalaran nu’n, e, bumabawi lang siya ngayon. Kaya nga lang, mismong mga kaibigan at kababayan nila, e, hindi nagagandahan sa ginagawa ng girl!

“Kahit ano na lang, e, ipinaglantaran niya sa social media. Basta branded, ipinagmamalaki niya. Palibhasa nga, e, wala naman siyang mga ganu’ng kagamitan nu’n!

“Parang nagutom siya nang matagal na panahon, kaya ngayong meron na siyang pambili ng lahat ng magustuhan niya, e, binubusog niya naman ang sarili niya.

“Magkaiba sila ng ugali ng husband niya. Very low key naman ‘yun, hindi siya flaunty. Hindi niya ipinagmamayabang ang kahit anong meron siya.

“Basta nagpapasalamat lang siya sa lahat ng biyayang meron ang family niya, pero ang ipagduldulan sa tao kung ano ang meron siya?

“No way, highway! Hindi siya ganu’n! Kani-kanyang ugali talaga meron ang bawat tao. Kung ano ang naturalesa, hindi na mawawala ‘yun!” pagtatapos ng aming source.

Willie tanaw ang mga nagluluksang Kapamilya

Pinaglalamayan ngayon ng mga may-ari, ehekutibo, empleyado at mga artista ng ABS-CBN ang pagkamatay sa himpapawid ng kanilang istasyon.

Maisusulat sa kasaysayan ang naganap sa network. Totoong-totoo na walang forever. Kahit pa gaano katibay ang isang gusali ay gumuguho rin sa isang bigwas lang ng lindol.

Pero ibang klaseng magbiro ang tadhana. Habang nagtitipun-tipon sa labas ng ABS-CBN ang mga artista at empleyado na nag-iiyakan, sa isang gusali namang kalapit ng istasyon ay nagso-show si WIllie Revillame, masayang namamahagi ng mga papremyo sa ating mga kababayan sa Tutok To Win.

Isang dekada na ang nakararaan ay sinipa sa network si Willie, umabot ang kanilang problema hanggang sa korte, naging madugo ang kanilang labanan sa husgado.

Pagkatapos nang sampung taon ay heto na ang senaryo. Habang nasa 42nd floor ng Wil Tower ay tanaw na tanaw ni Willie ang mga nagluluksang naapektuhan ng pagpapasarado ng ABS-CBN.

Siya na ang nasa ituktok ng gusali ngayon, tinitingala ng mga nagtitipun-tipon sa ibaba, nakapaninindig ng balahibo ang pagbabago ng senaryo.

Kinagabihan naman, sa 24 Oras, ay si Ms. Mel Tiangco pa ang nagbasa ng balita tungkol sa pagkatalo sa botohan ng ABS-CBN.

Humantong din sa korte ang pagkakatanggal ng istasyon sa sikat na news anchor, umabot din nang ilang taon ang kanilang laban, hanggang sa maipanalo ni Ms. Mel Tiangco ang usapin.

Wala talagang mayhawak ng bukas. Umiikot ang gulong ng buhay. Nakababangon ang dumapa at bumababa ang nasa itaas.

Sabi ng isang dating katrabaho namin sa ABS-CBN, “Hindi na namin kailangang mag-usap. Mga mata na lang namin ang nagtatanungan. Paano na?”

Leave A Reply

Your email address will not be published.