Abante Tonite Interactive

Kumpare tinodas sa biruan

598

Humantong sa trahedya ang masayang inuman ng magkumpare nang mapatay ang isang mister matapos sumpakin ng kanyang kainuman na napikon sa mga birong panununtok ng una kamakalawa nang gabi sa Tanay, Rizal.

Agad namatay ang biktimang si Edgard Cantojos matapos na magtamo ito ng mga tama ng bala ng sumpak sa katawan.

Samantala, kusang-loob namang sumuko sa mga tauhan ng Sampaloc Police Community Precinct ang suspek na si Mandy San Pablo, nasa hustong gulang at residente ng Sitio Dayapa, Brgy. Sampaloc, Tanay.

Base sa ulat na ipinadala ng Police Regional Office 4-A Calabarzon, dakong alas-siyete ng gabi nang maganap ang krimen sa tahanan ni San Pablo.

Nagkayayaang mag-inuman ang dalawa ngunit sa hindi pa matukoy na dahilan ay bigla na lang umanong pabirong pinagsusuntok ng biktima ang suspek.

Dahil lasing, dito na umano nagdilim ang isip ng suspek at kaagad na kumuha ng sumpak na nakatago sa kuwarto nito at pinaputukan ang biktima ng ilang beses na nagresulta sa pagkamatay nito.

Nakapiit ngayon ang suspek sa Tanay Police Station at inihahanda na ang kaukulang kaso na isasampa laban sa kanya. (Edwin Balasa)