Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Kung bakit mabibigo ang NTF-ELCAC

0 264

Ang hearing na ipinatawag ni Sen. Ping Lacson upang imbestigahan umano ang isyu ng “red-tagging” ng mga sikat na artista, personalidad, organisasyon at institusyon ang siya pang naging plataporma para sa walang patumanggang red-tagging ng mga naturang indibidwal at grupo.

Sa kanyang P.S. Resolution No. 559, na siyang batayan ng hearing ng Senate Committee na kanya ring pinamumunuan, sinabi ni Lacson na nais niyang “tiyakin ang proteksyon ng mga karapatan ng mamamayan alinsunod sa konstitusyon. Sa aktwal na hearing, buong laya ang ibinigay niya kina Sec. Hermogenes Esperon ng National Security Council, DILG Sec. Eduardo Ano, National Intelligence Coordinating Agency chief Alex Monteagudo, at Maj. Gen. Antonio Parlade, Jr., iba pang opisyal ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), na bansagan ang iba’t ibang grupo, kabilang ang mga kinatawan ng Koalisyong Makabayan, mga progresibong organisasyon, at mga artista sa entertainment industry bilang mga “communist-terrorists.” Wala silang anumang ebidensiyang ipinakita sa komite at sa publiko, maliban sa testimonya ng samu’t saring mga intelligence assets na hawak nila. Isang indikasyon ng kalidad ng testimonya: ang kanilang “star witness” na si “Ka Eric” ay natukoy bilang walang iba kundi si Jeffrey Celiz, na kabilang sa mga “drug personalities” ng Iloilo City na pinangalanan ni Pang. Duterte noong 2017.

Sa gitna ng red-tagging extravaganza na naganap sa Senado sa pahintulot ni Lacson, nagawa pa rin ni Sec. Esperon na mailantad, sa pamamagitan ng kanyang testimonya, ang lubos na kahungkagan ng kaisipang gumagabay sa patakaran ng administrasyong Duterte kaugnay sa armadong pakikibaka na pinangungunahan ng CPP-NPA. Sa paliwanag ni Esperon, nakababalik daw ang CPP-NPA sa mga barangay na ilang beses nang “nalinis” ng militar dahil sa kawalan ng “proyekto” ng gobyerno sa mga naturang lugar. Ergo, kailangan nila ng Php 16.4 bilyon na budget para mabigyan ng mga “proyekto” ang mga naturang barangay upang matuldukan, sa wakas, ang komunistang insurhensiya. Kasabay nito, kailangang lamang patahimikin ang lahat ng mga kritiko ng gobyerno. Para sa kanya, yan ang mga susi sa tagumpay laban sa mga rebelde.

Ngunit hindi makakamit ang pangmatagalang kapayapaan sa simpleng pagpapalitaw ng mga covered court, livelihood project, medical assistance, o iba pang panandaliang “proyekto.” Sa paliwanag ni Esperon, walang pag-uugat ng armadong paglaban ng mga maralitang Pilipino sa mga makasaysayang problema ng lipunan, kabilang ang konsentrasyon ng lupa, kapital, yaman, at kapangyarihan sa kamay ng iilan, na nagreresulta sa malaganap na kahirapan at kawalan ng hustisya at dignidad para sa nakararami. Ni minsan, walang pagbanggit si Esperon, Ano, Monteagudo, o Parlade kung ano ang mga pagbabagong dapat ipatupad ng gobyerno upang matugunan ang mga ito.

Pilit na inilalapat nina Esperon at mga kasapakat niya sa NTF-ELCAC ang simplistiko at krudong pasista at militaristang tugon sa masalimuot na problema ng kawalan ng panlipunang hustisya. Kung gayon, walang dudang mabibigo ang NTF-ELCAC sa layunin nitong wakasan ang armadong rebolusyon sa ating bayan. Habang malaganap ang pagsasamantala at pang-aapi, may mga Pilipinong magrerebelde.

Leave A Reply

Your email address will not be published.