Abante Tonite Interactive

Kung kaya ni Isko, kaya n’yo rin!

608

FOR THE RECORD
Kung baga sa pelikula, box office hit ang mga galaw ngayon ng bagong alkalde ng Maynila.

Wala naman sigurong kokontra at babasag ano po, walang duda na itong si Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang Man of the Hour.

Aba eh, siya halos ang pumupuno sa mga feeds sa mga social media site. At sa totoo lang, kahanga-hanga ang mga ginagawa niya.

Akalain mong maaari palang lumuwag at gumanda ang Maynila sa iilang araw lang?

Nagawa ito ni Mayor Isko ng wala pang isang linggo. Luminis ang mga kalye, nawala ang mga vendor na naghahari at nagpapasikip sa mga kalye ng Divisoria, Quiapo, Blumentritt at iba pang lugar na pwede nilang pagsiksikan.

Sabi niya, tulad niya ay alam naman niyang kailangan ding maghanapbuhay ang mga vendor. Kumakalam din ang kanilang sikmura kaya kaila­ngang punuan, busugin.

Pero hindi sa paraan na sila ang maghahari sa mga kalye na dapat ay sa publiko.

Sabi niya, ibabalik niya sa mga Manilenyo ang mga kalye. Pangako niya ‘yan na isa nang katuparan ngayon.

Pero ‘wag kayong mag-alala, may hinahanda naman palang programa ang kampo ng bagong mayor para naman mabuhay at maitaguyod ninyo ang inyong mga pamilya. Wait lang daw po at sigurado namang magiging epektibo ‘yan.

Nakatutuwa rin na bumabahag ngayon ang buntot ng mga abusadong barangay chairman.

Wala siyang pakialam. Papangalanan niya ang mga abusado. Sabi niya, tapos na ang maliligayang araw ng pag-i-spoil. Kailangan magtrabaho. Masarap daw siyang kakampi pero lintik na kaaway ‘pag naramdaman niyang tinotolongges lang siya ng mga ito.

Wish lang ng publiko, lalo na ang mga Manilenyo, ‘wag maging ningas-kugon ang determinasyon ni Mayor Isko na ibalik ang tunay na kinang ng Maynila.

Sa ngayon ay panghawakan muna natin ang hamon niya. Hawakan natin ang garantiya niya na ‘pag muling nabalahura ang Maynila, iisa lang ang ibig sabihin noon.

At iyon ay pumayag na siyang mamantikaan ng suhol ang kanyang administrasyon.

Matigas ang paninindigan ni mayor, hindi siya magpapasuhol at may kalalagyan ang sinumang magtatangka na subukan siya rito.

Sana nga mayor. Ang tagal mong duma­ting para sagipin ang Maynila. Makakaasa ka na suportado ng tao ang iyong adhikain na maibangon ang Maynila.
Buong bansa at hindi lang mga batang Maynila ang nasa likod mo ma­yor. Sigurado ‘yan.