Abante Tonite Interactive

Kung naging honest lang sila

828

Kumilos na ang gobyerno para maagapan ang pagkalat ng coronavirus o ang COVID-19.

Maraming regulasyon ang iniutos ng gobyerno kabilang ang community quarantine sa Metro Manila kung saan unang nakapagtala ng mga kaso ng positibo sa COVID-19.

Ang pagpapatupad ng community quarantine ay para sa ikabubuti ng mas nakararaming tao.

Kaya pinakamainam na makipag-ugnayan sa pamahalaan. Sumunod sa lahat ng inilabas na panuntunan upang maagapan ang pagkalat ng virus.

Ang nakakalungkot lang ay may ilang alam naman nilang nakahalubilo nila ang ilan sa mga nagpositibo sa COVID-19 ay ayaw pa nilang lumutang para ma-isolate sila at hindi na makapanghawa pa.

Kaya tuloy maraming health workers ang nadamay.

Sa ganitong pagkakataon kailangan talaga nating maging tapat. Maging honest sa ating sarili, pamilya at sa komunidad para hindi na lumala ang sitwasyon.

Sa totoo, marami ang may nakahalubilong COVID-19 positive pero hindi pa nila maamin sa mga sarili nila ang sitwasyon. Kaya ang resulta mas lumalawak ang apektado.

Mahirap talagang tanggapin pero kung isinasaalang-alang natin ang ating mga makakasalamuha ay magkusang-loob na tayong magpa-quarantine. Huwag na nating hintaying may makaramdam pa ng masama sa mga nasa paligid natin bago tayo kumilos.

Hindi rin ako magtataka sa naging aksyon ni Presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte na nagpatupad ng community quarantine sa kanyang nasasakupan.

Paano ba naman maraming galing Metro Manila na dumaan ng Clark para makapasok ng Davao City.

Kaya tama lamang na magpatupad ng community quarantine si Mayor Sara dahil kaligtasan ng kanyang nasasakupan ang nakasalalay.

Sa isang banda, nauunawaan natin ang mga kapalpakan na nangyari sa unang araw ng implementasyon ng community quarantine.

Pero sana sa mga susunod na araw ay ma-perfect na ang galawan dahil sayang ang sakripisyo ng marami kung mananaig sa mata ng publiko ang mga kapalpakan ng ilang awtoridad at hindi makamit ang layunin ng community quarantine na maawat ang paglobo ng kaso.