Abante Tonite Interactive

Kung talagang nandaya VP sana ako — Cayetano

548

Sinagot ni Taguig City 1st District Congressman-elect Alan Peter Cayetano ang mga alegasyon ng mga kalaban nito na nagsabing nagkaroon ng dayaan sa lungsod kaugnay ng idinaos na eleksyon.

“Kung nandadaya ‘yung mga makina, napakatanga naman namin na ang papalitan lang naming makina dito. Napa­kagaling naman namin, ‘di sana vice president ako ngayon,” pahayag ni Cayetano sa panayam sa kanya ng mga mamamahayag kahapon.

Sinabi ito ni Cayetano makaraang magsagawa ng protesta ang kanyang kalaban sa congressional election na si Allan Cerafica kasama ang kapatid nitong si Arnel Cerafica na tumakbo naman sa pagka-alkalde ng lungsod pero naungusan ni Lino Cayetano, kapatid ni Alan.

Batay sa naging resulta ng botohan, nakakuha ng 91,993 boto si Cayetano kumpara sa 63,641 boto ng kalaban nitong Allan Cerafica.

Habang si Lino ay nakakuha ng 175,522 boto kumpara sa kalaban nitong si Arnel Cerafica na may 111,460 boto, ayon sa 99.78% election return ng Commission on Elections (Comelec) Martes, alas-7:44 nang gabi.

Noong Martes nang gabi, kasama ang kanilang mga supporter, ay nagsagawa ng protesta ang mga Cerafica sa kahabaan ng Levi Mariano avenue, malapit sa Taguig City Hall.

Iginiit ng mga ito na magsagawa ang Comelec ng manual count dahil diumano sa dayaan na nangyari noong botohan makaraang pangalan umano ng katunggali ang lumabas sa resibo ng pagboto ng ilan sa kanilang mga supporter.

Sinagot naman ito ng mga Cayetano at sinabing gawa-gawa lamang ng mga kalaban ang sinasabing dayaan, mas makabubuti umanong idaan sa proseso ang protesta ng mga Cerafica at hindi mag-akusa nang walang ebidensya.