Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Kuryente scam tatalupan ng DOJ

0 174

Hiniling ng isang mambabatas na kalkalin din ng anti-corruption task force na pinamumunuan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra ang Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP) na iligal umanong naniningil sa mga consumer nang walang pahintulot mula sa Energy Regulatory Commission (ERC).

Sa kanyang liham kay Guevarra na may petsang Nobyembre 4, 2020, tinawag ni PBA party-list Rep. Jericho Jonas Nograles ang aniya’y IEMOP scandal bilang “theft of the highest order”.

Katunayan aniya, hanggang ngayon ay hindi kinikilala ng ERC ang IEMOP at wala ring naganap na legislative o executive action na nagbibigay dito ng legal authority para mangolekta ng bilyon-bilyong piso sa mga consumer ng kuryente.

Dahil sa patuloy na paniningil ng IEMOP sa mga consumer, naniniwala si Nograles na may ilang opisyal na kasabwat nito.

“The continued collection of IEMOP suggest that certain officials are complicit of this scandal, and therefore in violation of R.A. 3019 [Anti-Graft and Corrupt Practices Act],” sabi ni Nograles.

SM food to go Banner Ad

Dagdag pa nito, handa siyang tulungan ang anti-corruption task force para sa mga impormasyong may kinalaman sa IEMOP scandal.

Matatandaang inimbestigahan na dati nina Nograles sa Kamara ang isyu sa IEMOP.

Kinuwestyon ni Nograles ang IEMOP deal sa Philippine Electricity Market Corporation (PEMC), isang government-owned and controlled corporation (GOCC), para sa operasyon ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM) at iligal na naniningil sa mga consumer dahil hindi aprubado ng ERC.

Base umano sa dalawang pagdinig ng Kamara, napatunayang iligal at maanomalya ang kontrata sa pagitan ng PEMC at IEMOP subalit kailangan pang matukoy kung sino ang nasa likod ng WESM scam.

“As to who are the persons behind this illegal contract is something we have yet to establish and I intend to pursue this to the end,” pahayag ni Nograles.

Leave A Reply

Your email address will not be published.