Abante Tonite Interactive

Kush sa UP Diliman naamoy ng K9

368

Bistado ang isang computer technician matapos maamoy ng K9 dog ang dala niyang high grade marijuana na ‘kush’ sa UP Diliman, Quezon City nitong Miyerkoles ng madaling-araw.

Kinilala ni Quezon City Police District Director PBGen. Ronnie Montejo ang suspek na si Charles Edward Cabling, 27-anyos, taga-Blk. 3, Lot 3, Taurus St., Brgy. Banlat, QC. Siya ay nadakip ni Carl Jerome Caparas na isang K9 dog handler sa UP Diliman.

Ayon kay Caparas, bandang alas-dos ng madaling-araw (Pebrero 12), nagsagawa siya ng pagpapatrulya sa likod ng UP Main Library kasama ang kanyang K9 dog na si Vodka.

Habang nagpapatrulya ay bigla umanong inupuan ni Vodka ang nakaparadang motorsiklo na napag-alamang pag-aari ni Cabling kaya agad na ininspeksyon ang sasakyan at doon ay nadiskubre ang naka-ziplock na pinatuyong dahon ng kush, isang metal tube pipe silver at glass pipe. (Dolly B. Cabreza)