Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Kusinera kalaboso sa ‘holdap me’ modus

0 75

Buking ang isang cook na nagkunyaring naholdap para pagtakpan ang ginawang pagnanakaw sa kanyang amo kamakalawa ng hapon sa San Andres Bukid, Maynila.

Kinilala ng Manila Police District-Police Station 6 ang suspek na kinasuhan ng qualified theft na si Liliana Magalona, 26, cook at stay-in sa kanyang amo.

Sa imbestigasyon ni PSSg. Richard Ruba, lumabas na kinutsaba ng suspek ang pedicab driver na si Ariel Cahatol, 34, para palabasing hinoldap siya habang nakasakay sa huli dakong ala-una ng madaling-araw sa San Andres Bukid.

Nagpahatid si Magalona sa Diamante St., at habang binabaybay ang Onyx St., dito na niya kinutsaba si Cahatol dahil nagastos niya ang perang pinagkatiwala ng kanyang amo.

Sinaksak pa ni Magalona ang sarili ng maliit na gunting at inutusan ang pedicab driver na dalhin siya sa bahay ng amo bago siya hinatid sa Sta. Ana Hospital at nabatid na binigyan niya si Cahatol ng P2,000.

Gayunman, ipinaalam ng mga pulis sa amo ng biktima ang resulta ng kanilang imbestigasyon dahilan para mapaamin si Magalona at boluntaryong isinoli sa employer na si Marivic Martinez, 37, ang P13,000 na natira sa P31,000 na ipinagkatiwala sa kanya nito. (Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.