Abante Tonite Interactive

Kutsilyo sa panaginip

5,075

Nanaginip po ako na ako daw po ay may hawak na patalim at may isang babae po na kilala ko at hindi ko alam anong dahilan ngunit galit na galit daw po siya sa akin.

Gusto ko siyang paalisin sa bahay gamit ang kutsilyo pero ayaw niyang u­malis. Lumapit daw siya sa akin at nakipag-agawan sa hawak kong kut­silyo hanggang natumba po ako. Hindi ko alam kung paano ako nakatayo ulit basta ang sumunod na pangyayari ay nasaksak ko siya sa leeg nang paulit-ulit.

Pero walang dugo at ang pagkasaksak ay hindi rin malalim parang hanggang tip lang ng kutsilyo. Habang sinasaksak ko siya, nandidiri ako dahil hindi ko talaga kayang sumaksak ng tao. Pagkatapos nu’n ay nakasakay naman daw ako ng jeep at maraming pasahero. Nakatayo ako at may la­laki na hindi ko kilala at mukhang manghoholdap.

May dalang patalim ang lalaki at naagaw ko ang patalim niya. Tatlong patalim ang nakita kong hawak ko at nakiusap pa ako sa isang pasahero na itago sa kanyang likod ang mga patalim. Du’n na ako nagising.
Ang kutsilyo o patalim sa panaginip ay simbolo o indikasyon ng isang paghihiwalay, separation o may kailangan kang putulin.

Kadalasan, ikinukonek ang ganitong panaginip sa isang aspeto ng buhay mo na hindi mo na nagugustuhan at gusto mo nang baguhin. Ang taong sinasaksak mo sa panaginip ay maaaring representasyon ng bahagi ng iyong buhay na hindi mo na nagugustuhan. Sabi mo’y parang diring-diri ka sa ginagawa mong pananaksak at hindi rin malalim ang bawat saksak bagama’t paulit-ulit mo itong ginawa.

Related Posts

Kung halimbawang ang bahagi ng buhay mo na gusto mong baguhin ay isang pakikipagrelasyon, ang paulit-ulit mong pagsaksak ay puwedeng representasyon na paulit-ulit mo ring pagtatangkang putulin na ang relasyon. Pero hindi mo nga ibinubuhos ang effort mo. Bagama’t inuulit-ulit mong gawin ay hindi mo naman itinotodo.

Puwedeng ilang beses mo nang tinangkang makipaghiwalay pero lagi ka pa ring bumabalik. Puwede ring ang pandidiri ay para sa iyong sarili dahil hindi mo nga magawa nang tuluyan ang anumang nais mong putulin o alisin sa buhay mo.
Puwede ring ang kut­silyo ay paalala ng iyong subconscious na nasa iyong mga kamay naman ang kontrol. Kaya mong gawin ang nais mo kung ibubuhos mo lamang ang effort at kung magiging determinado ka.

Puwede ring ikonek ang iyong panaginip sa isang trabahong gusto mo nang iwan. Maa­aring paulit-ulit mong nara­ramdaman na hindi ka naman naa-appreciate kaya alam mong dapat ka nang ­umalis pero hindi mo pa rin ginagawa. Gusto ng isip mong gawin ang isang bagay pero hindi mo ito maipatupad sa aktu­wal na buhay.

Sa kabuuan, ang iyong panaginip ay indikasyon na anuman ang pinagdaraanan mo ay nasa puntong fed up ka na at gustong-gusto mo nang gawin ang isang matinding pagbabago sa iyong buhay.

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispi­ritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.