Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Kutusan ang sinungaling na bus driver

0 104

Laos na katuwiran na ang “hindi kumagat preno eh.”

Kaya dapat ay patawan na talaga ng kakaibang parusa ang mga drayber ng mga malalaking sasakyan, katulad ng bus at mga trak na magpapalusot ng mga nabanggit na kataga kapag nasasangkot sa malawakang aksidente.

Katulad lamang ng bus driver na si Marlon Nacaytona na nagharabas ng 13 sasakyan sa northbound ng Osmena Highway sa Makati noong Setyembre 4.

Sa pagtatanong sa kanya ay ikinatuwiran ni Nacaytona na hindi gumana ang preno ng apakan niya ang brake pedal kaya inabot ang 11 na motorsiklo, isang kotse at isa pang bus.

Pero bistado ang pagsisinungaling ng bus driver nang suriin ng mga taga LTO ang bus na minamaneho nito na pagmamay-ari ng Pitbull Transport Corporation na may plakang TYF 328 matapos ang insidente at mapatunayang nasa tamang kondisyon ang mga preno nito.

Lumalabas na ang problema ay na kay Nacaytona dahil nang isailalim siya sa drug test ay nagpositibo sa paggamit ng shabu.

Labintatlo katao ang nasaktan sa ginawa ni Nacaytona at hindi lamang ito ang unang pangyayari na kinasangkutan ng ganitong uri ng pagmamaneho na pinangatuwiranan na nawalan ng preno.

Pero karaniwang matapos ang aksidente ay panandalian lamang na nananahimik ang mga bus company na nasangkot sa aksidente o kaya naman ay magpapalit lamang ng pangalan kapag may mga nakareserba at tuloy pa rin ang panghahalihaw sa kalye.

Sa mga ganitong pagkakataon, tama lamang siguro na gamitan ng kamay na bakal ang pagpapatupad ng parusa gaya lamang ng literal na pagkutos sa drayber na sangkot at pagkatapos ay tanggalan na siya ng lisensiya sa pagmamaneho sa habang buhay.

Ang isa pang problema ay ang kawalan ng gobyerno ng bus driving institute o bus driving regulations body upang matutukan ang pag-uugali sa kalye ng mga bus drivers.

Noong isang gabi ay napanood ko sa Youtube ang sistema ng pag-upa ng bus drivers sa London, isa sa mga nangungunang lunsod sa mundo na sumasandal sa bus kapag ang pinag-uusapan ay mass transport system.

Bago pakawalan sa kalye ay talagang kitang kita ang disiplina at matinong asal sa kalye ng isang aplikante kaya napakababa ng tsansang masangkot ang mga ito sa aksidente na posibleng sila ang dahilan.

Dito sa Pilipinas, hindi natin alam kung ano ang batayan ng pag-upa ng mga bus drivers, basta nakikita na lang natin sa kalye na tumatakbo ang bus at nakikipagkarehan o kaya naman ay binubully ang mga maliliit na kasabayan.

Ngayong nasa pandemya pa tayo, dapat sigurong pag-isipan na ng mga awtoridad ang bus industry dahil kapag hindi ito nabigyan ng atensiyon ay tataas pa ng tataas ang panganib na dala ng mga ito bunga ng pagdami pa ng mga sasakyan na hindi naman halos matapatan ng paglikha ng mga karagdagang lansangan.

Masarap sumakay sa bus kung nasa matinong pag-iisip at maayos na disiplina ang drayber.
Ayos ba?

Leave A Reply

Your email address will not be published.