Abante Tonite Interactive

Kuwaresma sa pananaw ng mga millennial

301

Sa isang bansa na mayroong tinatayang 80 porsiyento ng Katoliko, hindi nakagugulat kung marami tayong tradisyon para sa pagdiriwang ng Holy Week o Semana Santa para sa pagninilay sa mga kasalanan.

Nagsisimula ito sa Linggo ng Palaspas, na sinusundan ng Pabasa na maaaring magtagal hanggang Biyernes Santo. Matapos nito ay ang Siete Palabras o huling pitong sinabi ni Hesus bago mamatay sa krus.

Bukod dito, mayroon ding mga selebrasyon sa mga lalawigan, tulad ng Moriones Festival sa Marinduque, Sinakulo o dula ng pagpapakasakit at muling pagkabuhay ni Hesus, gayundin ang Penitensya na ginagawa ng ilang deboto, kahit pa hindi ito sinasang-ayunan ng Simbahang Katolika.

Nagsasagawa din ang mga pamilya ng Visita Iglesia at ang inaabangang Salubong sa araw ng pagkabuhay o Easter Sunday.

Pero sa panahon ng modernisasyon at pag-iral ng teknolohiya, maoobserbahan na papakaunti na nang papakaunti ang pagsasagawa ng ganitong selebrasyon.
Sa pag-aaral na ginawa ng Social Weather Station (SWS) na inilabas noong 2018, 41% na lamang ng mga Katoliko ang nagsisimba kada linggo, 38% ang nagsabi na isang beses sa isang buwan at 21% ang nagsabing minsan lamang.

Ang pag-aaral ay ginawa sa mga respondente na may edad 18 pataas, at dito maitatanong, paano kaya ang pagdiriwang ng kabataan sa Semana Santa.
Bakasyon, pahinga at pagsasama-sama

Sa panayam ng Abante sa ilang kabataan, kung alam ba nila ang kuwaresma o ano ang kanilang ginagawa sa Holy Week, narito ang naging sagot nila:
“Nagbabakasyon po kami sa probinsya. Tapos dinadalaw po namin ‘yung lolo namin na namatay na tapos magsu-swimming po kami,” sabi ni Jerzy Pascual, 17.

Bakasyon din ang madalas na ginagawa ni Julianna Martin, 14, Grade 8, sa panahong ito. Hindi umano niya alam ang kahulugan ng kuwaresma, pero alam nito ang Holy Week at ang penitensya. Aniya, “Sinasaktan nila ang sarili nila para patawarin ang mga kasalanan.”

Ganito rin ang pananaw ni Pascual bagama’t hindi ito naniniwala na mababawasan ang kasalanan sa paggawa nito, “Sa tingin ko po ‘pag naggaganun sila, dinadagdagan pa nila ang kasalanan nila, kasi sinasaktan nila ang sarili nila na bigay ng Diyos.”

Para naman kay Abby Gaspar, 22, ang tatlong araw na walang pasok sa opisina ay pagkakataon para magpahinga o mabigyan ng oras ang sarili.

Aniya, “Aware naman ako sa Kuwarema at tulad ng iba nagdadasal at kung may oras ay nagbi-Visita Iglesia kami ng pamilya, kaya lang medyo matagal na nung huli namin magawa ‘yun kasi kulang sa budget.”

Para din kay Niel Toribio, 26, “Ngayon lang ‘yung panahon na nagsasama-sama kami sa bahay dahil halos lahat busy na sa kanya-kanyang trabaho.

Nagsisimba lang kami malapit sa bahay at sumasama sa prusisyon.”
Ilan pa sa natanong ay mas alam ang mobile legend, momo challenge o ang mga bagong serye sa Netflix kumpara sa mga tradisyong nabanggit.

Gayunman maaari itong mabago, kamakailan ay hinimok ng kaparian na makiisa ang mga nanampalataya sa mga aktibidad ng Simbahan para sa pag-alala ng kamatayan at muling pagkabuhay ni Hesus. (Juliet de Loza-Cudia)