Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Kuwentong quarantine

0 88

Maraming mga kababayan natin sa Amerika ang gusto nang umuwi para makapiling ang kanilang pamilya pero nagdadalawang-isip dahil sa mahabang quarantine. Bukod sa magastos, ubos ang panahon ng leave nila sa quarantine, na dapat sana ay ginugugol na lang sa kanilang pamilya.

Alam kong ganito ang kakaharapin ko sa pag-uwi – gastos at pagkainip sa quarantine hotel – kaya’t pinaghandaan ko na ito.

Limang araw akong na-quarantine sa isang hotel sa Alabang, Muntinlupa. Wala silang transportasyon kaya’t kinailangan kong maghanap sa labas ng airport. Nakapagtataka lang na walang nagbabantay na pulis o sundalo sa mga biyaherong naghahanap ng masasakyan patungo sa kanilang quarantine hotel, kaya’t naisip kong puwede palang tumakas o magpasundo sa kamag-anak. Pero siyempre, hindi ko ginawa ‘yun dahil ‘yun ay isang iresponsableng aksyon at paglabag sa batas na Republic Act 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act, partikular ang Section 1 (g) (iii) at (iv) ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng batas. Nakasaad dito na kakasuhan ang (iii) hindi susunod sa quarantine o isolation order o kautusang ipinalabas ng public health authority (Bureau of Quarantine), at (iv) lalabag sa anumang kondisyon ng quarantine o isolation order o kautusang ipinalabas ng public health authority. Dalawampu hanggang limampung libong pisong multa o pagkakulong ng isa hanggang anim na buwan ang kakaharapin ng lalabag dito.

Maayos naman ang aking quarantine hotel, kasama sa binayaran ang tatlong meals bawat araw, at araw-araw ay tinatawagan ako ng nurse para alamin kung mayroon akong simtomas. May alarm ang pintuan ng aking kuwarto tuwing ito ay bubuksan ko, at may sariling pasukan at labasan ang mga naka-quarantine bukod sa mayroong sundalong nakabantay sa labas, kaya’t wala talagang makakatakas sa mga naka-quarantine doon. Ang hindi ko napaghandaan ay ang pagdadala ng snacks at kape, kaya’t napilitan akong bumili sa grocery ng hotel na napakamahal.

Sa ika-limang araw ko sa quarantine, na-swab ako sa umaga, at kinagabihan ay may resulta na – negative – kaya’t laya na ako eksakto alas dose ng hatinggabi ng Pasko.

Kung ang aking quarantine ay naging maayos, mayroong naging bangungot ang kanilang pananatili sa kanilang quarantine hotel. May mga nagreklamo na maraming ipis sa kanilang na-book na hotel, walang bintana o walang internet kaya’t parang mababaliw sila sa lungkot, walang pagkain, o napipilitan silang mag-order ng pagkain sa hotel na napakamahal naman.

Isang balikbayang Pilipina na kasama ang kanyang dayuhang kasintahan ang dumating sa bansa noong Disyembre 25. Akala niya ay makakauwi na sila sa bahay para masalubong ang bagong taon, pero kapwa sila nag-positive noong Disyembre a treinta. Ayon sa kanya, sinabi ng attending nurse na kukunin sila ng Bureau of Quarantine sa kanilang kuwarto para ilipat sa quarantine facility. Ang sabi pa sa kanila, malilibre na ang kanilang quarantine. Pero lumipas ang anim na araw, hindi pa rin sila na-pick-up ng BOQ at ang dahilan ay wala nang puwesto sa paglilipatan sa kanilang pasilidad. Dahil dito, napilitan silang ituloy ang quarantine sa hotel at umabot na ng P120, 000 ang kanilang bill sa kuwarto bukod pa sa pagkain. P7, 500 kasi kada araw ang kanyang nai-book na hotel, at akala niya ay makakaalis na sila makalipas ang limang araw.

Kapag Returning Overseas Filipino (ROF) kasi, sagot mo ang lahat ng gastos mo sa quarantine, pati na ang swab test. Tanging ang mga Overseas Filipino Workers lamang ang libre ang lahat, sagot ng pamahalaan, kasama sa kanilang binayarang membership sa Overseas Workers Welfare Administration o OWWA.

Sugal talaga ang pagba-biyahe ngayong panahon ng Covid. Magbabakasakali kang hindi makakansela ang flight mo, o hindi biglang ilalagay sa red list ang bansang panggagalingan mo, at higit sa lahat, hindi ka magpopositibo sa Covid-19 habang papauwi ka ng bansa.

Leave A Reply

Your email address will not be published.