Abante Tonite Interactive

Kuya dedo sa saksak ni utol

227

Humantong sa kamatayan ng kuya ang kanyang pag-awat sa away ng ama at nakababatang kapatid matapos itong saksakin ng huli sa Sariaya, Quezon.

Hindi na umabot nang buhay sa Candelaria Doctor’s Hospital ang biktimang si Jerry Medrano Gahito, ng Brgy. Manggalang Tulo-tulo, matapos nitong magtamo ng dalawang saksak sa katawan.

Batay sa imbestigasyon ng Sariaya Police, nasa bahay ng kanilang tatay na si Efren Gonzales sa Brgy. Sto. Cristo ang biktima nang dumating ang lasing na kapatid na si Joren Medrano dakong alas-sais nang gabi.

Nagkasagutan umano ang suspek at ang kanilang tatay na inawat ni Jerry, subalit ito ang napagbalingan ni Joren na bumunot ng patalim at saka sunod-sunod na sinaksak ang kapatid.

Pinaghahanap na ng awtoridad ang suspek na tumakas matapos ang pananaksak.