Abante Tonite Interactive

Kuya pinangaralan, nanaksak

423

Sugatan ang isang 27-anyos na lalaki nang pagsasaksakin ng kanyang nakatatandang utol na nagalit dahil pinapangaralan ito kaugnay ng kanyang paggamit ng iligal na droga sa Tagaytay City.

Kinilala ang biktima na si Deody Gonzales, may-asawa, ng Purok 121, Brgy. Mendez Crossing East, Tagaytay City habang naaresto naman ang kanyang utol na si Ronaldo Gonzales, 38, kapitbahay ng biktima.

Sa ulat ni P/SSgt. Ryan Bascugin ng Tagaytay City Police Station, dakong alas-nuebe kamakalawa ng umaga nang puntahan umano ng suspek ang kanyang nakababatang kapatid at kinompronta nito hinggil sa pangangaral sa kanya dahilan upang magpalitan ng maaanghang na salita na nauwi sa mainitang pagtatalo.

Sa galit ng suspek ay sinuntok nito ang kanyang utol saka pinagsasaksak.
Nagsumbong naman ang asawa ng biktima sa pulisya dahilan upang arestuhin ang suspek.

Ayon kay Bascugin, pinagsabihan umano ng biktima ang kanyang utol hinggil sa umano’y naririnig nitong balita na gumagamit ng iligal na gamot ang suspek na ikinagalit nito.

Kasong slight physical injury at grave threat ang isinampang kaso laban sa suspek na kasalukuyang nakakulong sa Tagaytay Custodial Center. (Gene Adsuara)