Abante Tonite Interactive

Kuya pinuntiryang barilin sa ulo

311

By Vick Aquino

Patay ang isang 55-anyos na lalaki matapos mabaril ng nakababatang kapatid sa gitna ng kanilang mainitang pagtatalo sa loob ng kanilang bahay sa Sitio Atabay, Brgy. Poblacion, Cordova, Cebu kamakalawa.

Sa nakalap na report sa tanggapan ng Cordova PNP, nakilala ang suspek na si Eduardo Sitoy, 42-anyos, construction worker matapos na sumuko at i-surrender ang .357 revolver na baril na kumitil sa buhay ng kuya nitong si Reynaldo Sitoy, 55, kapwa taga-Barangay Poblacion, Cordova, Cebu.

Nabatid na nagtalo ang magkapatid bandang alas-singko Huwebes nang hapon na nauwi sa sakitan.

May hawak umanong patalim ang biktima at akmang sasaksakin ang nakababatang kapatid subalit agad namang nagbunot ng baril ang suspek.

Nang pagdimlan ng isip, walang sabi-sabi nang ipinutok ng suspek ang .357 revolver sa ulo ng kuya na duguang bumulagta sa sahig.

Agad namang sumuko ang suspek at isinurender ang baril sa pulisya.

Nakakulong ngayon ang suspek sa Cordova Police­ Station detention cell at nahaharap sa kasong ­parricide.