Abante Tonite Interactive

La Sallista ginahasa, pinaslang

1,207

By Ronilo Dagos

Malagim ang naging huling sandali ng isang 21-anyos na college student ng De La Salle-Lipa matapos itong gahasain at brutal na patayin sa Lipa City, Batangas.

Kamakalawa lamang ng alas-3:30 nang hapon nadiskubre ng isang kaanak ang bangkay ng biktimang si Fidex Therese Maranan, estudyante ng De La Salle, Lipa, na may takip na kumot at nakabulagta sa sahig ng kanyang kuwarto sa kanyang bahay sa Miracle Heights Subdivision, Brgy. Antipolo, Lipa.

Abante Hiring – IT dep

Ayon sa kaanak, ilang araw na nilang hindi makontak ang biktima kaya pinuntahan na ito sa bahay.

Nag-iisang nakatira sa bahay ang dalaga matapos na parehong pumanaw na ang kanyang magulang.

Ayon kay Police Col. Ramon Balauag, hepe ng Lipa City police, batay umano sa pagsusuri ng SOCO ay posibleng tatlong araw ng patay ang biktima.

May saksak ito sa leeg at may mga pasa sa katawan at ulo na tila pinalo ng matigas na bagay o iniuntog sa sahig.

Wala namang palatandaan na puwersahang pinasok ang biktima kaya posible umanong kaki­lala nito ang suspek.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pangyayari at inaalam kung sino ang huling nakasama ng biktima sa bahay.