Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Laban ng Taguig vs Delta variant

0 198

Ipinatupad ng nasyonal na pamahalaan ang General Community Quarantine (GCQ) with heightened restrictions sa National Capital Region (NCR) hanggang July 31, 2021 bilang pag-iingat laban sa Delta variant ng COVID-19.

Ibig sabihin nito ay muling ibabalik ang ilang paghihigpit sa paglabas at paggalaw ng mga tao kahit na tayo ay nasa GCQ. Bawal munang lumabas ang mga menor de edad sa kanilang mga tahanan kahit sa outdoor spaces.

Kaya naman bantay-sarado dapat ang pagpapatupad ng health and safety protocols para masigurong hindi na kumalat pa ang Delta variant sa NCR at iba parte ng bansa.

Ang Delta variant ay mas nakakahawa at mas mabilis kumalat kumpara sa unang kaso ng COVID-19 na naitala sa bansa. Kumpara sa Alpha variant na nadetect sa United Kingdom, mas mataas ng 60% ang transmission rate o tsansa na makahawa ito. Mas mataas din ang tsansa na maospital kapag nahawa ng Delta variant.

Dahil ito ay mas mapanganib, nariyan pa rin ang banta ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 na lagpas sa kapasidad ng ating mga ospital. Kaya dapat ay agresibo ang gobyerno at hindi dapat maging pabaya sa bagong laban na ito.

Sa India unang namataan ang Delta variant at nakita natin ang biglang pagtaas ng bilang ng mga nahawa at namatay sa kanilang bansa dahil sa mabilis na pagkalat ng virus.

Isang solusyon para mapigilan ang pagkalat ng Delta variant ay ang agresibong pagpapabakuna. Ayon sa pag-aaral ng mga eksperto, ang mga bakuna kontra COVID-19, kung makukumpleto ang required doses, ay epektibo pa rin laban sa variant na ito.

Ayon sa pinakahuling datos ng pagbabakuna sa Taguig, nakapagpabakuna na ang lungsod ng 311,619 katao para sa first dose o 46% ng Taguig eligible population na 680,000. May 203,158 katao naman ang fully vaccinated o 30% ng eligible population ng lungsod.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Patuloy na papalawakin ng Taguig ang COVID-19 vaccination program para mas mapabilis pa ang pagpapabakuna lalo na ng mga senior citizens at persons with comorbidities o ang mga may medical conditions tulad ng hypertension, diabetes at heart disease.

Kahit na walang tigil ang vaccination rollout mula sa A1 hanggang A5 categories, prayoridad pa rin ng Taguig ang senior citizens at persons with comorbidities. Ito ay para maprotektahan sila dahil sila ay mas vulnerable sa COVID-19, lalo na mula sa bagong Delta Variant.

Pinaiigting pa ng ating lokal na pamahalaan ang vaccination rollout para sa kanila. Ang priority jabs ay ibinibigay sa A2 (senior citizens) at A3 (persons with comorbidities). Bukod dito, may dedicated special lanes pa para sa kanila sa lahat ng Taguig vaccination hubs.

Para matutukan pa ang pagbabakuna sa mga vulnerable, mayroong special senior citizens hub sa Lakeshore kung saan may mga cozy seats, sofas, tables at iba pang senior-friendly amenities para sa mga Taguigeñong senior citizens.

Para makumbinsi naman ang mga senior citizens na magpabakuna, hatid-sundo sila papunta sa mga vaccination hubs. Kapag bedridden naman ay pupuntahan sila sa kanilang mga tahanan ng vaccination team ng lungsod para mabakunahan.

Bago pa man magsimula ang vaccination rollout ng lungsod ay malawakan na ang information campaign para makumbinsi ang mga nagdadalawang isip na magpabakuna. Ngayong may banta ng Delta variant, nais nating mas maintindihan ng lahat na ang bakuna ay ligtas, epektibo at dumaan sa masusing pag-aaral ng mga eksperto.

May ilang hamon pa tayong kinakaharap dahil sa masamang lagay ng panahon ngayong tag-ulan pero patuloy dapat ang ating agresibong vaccination drive.

Hindi pa tapos ang pandemya kaya hindi rin tayo tumitigil sa ating mga COVID-19 response measures. Kahit nariyan na ang mga bakuna, may mga bagong banta ang virus na kailangan nating labanan.

Kung lahat tayo ay patuloy na mag-iingat, magkakaisa bilang isang komunidad, at may malasakit sa ating kapwa, tiyak na malalampasan natin ito. We will heal as one!

Leave A Reply

Your email address will not be published.