Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Laban o bawi

0 98

Kinikilala na sa politika ng pambansang halalan, maaaring gamitin ng mga magkatunggaling kampo na lalaban para sa puwesto ng Pangulo ang puwesto ng Pangalawang Pangulo bilang bargaining chip, kasangkapan sa negosasyon para mapagkasundo ang mga magkaribal.

Halimbawa nito ang pagsisikap ni Vice President Leni Robredo na pagkaisahin ang mga kandidatong lalaban sa tiket ng Malakanyang sa halalang 2022. Inilutang ang iba’t ibang posibleng kombinasyon (hal. Leni-Isko, Isko-Leni; Leni-Pacquiao, Pacquiao-Leni). Naglabas pa ang kampo ni Leni ng pahayag na handang siyang tumakbong muli bilang Bise Presidente sa ngalan ng pagkakaisa. Gayunman, sa kabila ng kanyang magiting na pagpupunyagi, tila mabibigo (sa ngayon) ang ganitong hangarin.

Isang bagay na nagdaragdag ng komplikasyon ang pagdeklara ni Senate President Tito Sotto na tatakbo siya bilang Bise Presidente sa 2022. Mabilis na napakitang frontrunner siya sa karerang ito. Sa pinakahuling survey ng Pulse Asia (na isinagawa noong Setyembre 6-11), pinakain niya ng alikabok ang lahat ng iba pang karibal, unang una na ang walang iba kundi si Pang. Rodrigo Duterte (na, sa panahong ito, ang siyang opisyal na nominado ng PDP-Laban para sa naturang puwesto). Ayon sa survey, 25% ang boboto para kay Sotto bilang bise, samantalang 14% lamang ang kay Duterte, 12% kay Isko, 12% din kay Bongbong Marcos, at 7% kay Pacquiao.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Kung isasantabi ang track record ni Sotto bilang Senador (isa sa mga haligi ng administrasyong Duterte bilang Senate president), walang dudang malakas na kandidato siya bilang Bise Presidente. Mayroon siyang mahabang karanasan, malaganap na popularidad na naipundar bilang artista sa larangan ng showbiz, at maaasahang makinaryang pampulitika bilang pangulo ng Nationalist People’s Coalition, ang partido ng bilyonaryong si Ramon Ang ng San Miguel Corporation.

Kung gayon, malamang na dagdag na balakid ang pagtakbo ni Sotto sa anumang mga lihim na negosasyong nagaganap hindi lamang sa mga magkaribal na paksyon ng oposisyon kundi maging ng administrasyon. Maraming nagsasabi na “dream team” para sa administrasyon ang pagsanib ng puwersa ng mga Duterte at mga Marcos. Wala raw tatalo sa kumbinasyon ng Solid North na hawak ng mga Marcos at ang Solid South na makukuhang boto ng mga Duterte sa Mindanao. Ngunit, sa mga tagapamandila ng dalawang angkan, si Sara Duterte at Bongbong Marcos (na nangunguna at pumapangalawa sa pagkapangulo sa survey ng Pulse Asia), sino sa kanila ang tatakbong Presidente at sino ang Bise? Sino ang magiging bida at sino ang tagasuporta sa inaasam na tambalan?

Dahil lumitaw si Sotto bilang frontrunner, lalong hindi kaakit-akit para sa alinman sa dalawa ang sumang-ayon na tumakbo bilang Bise Presidente upang mapagkaisa ang kanilang mga kampo. Malaki ang posibilidad na lampasuhin sila ni Sotto pagdating ng Mayo. Sa bahagi ni Bongbong, ikamamatay ng kanyang karera sa politika ang maging talunan nang dalawang beses para sa puwestong Bise. Sa bahagi ni Sara, mauudlot at maaaring permanenteng madiskaril ang kanyang karera bilang politiko sa pambansang antas kung matalo siya bilang Bise. Kung gayon, natutulak ang dalawa na pumili: labanan ang isa’t isa bilang kandidatong Pangulo, o magbigay-daan ang isa at umatras.

Leave A Reply

Your email address will not be published.