Abante Tonite Interactive

Laban para sa bayan at bawat Pilipino

MAGDALO

336

Maraming salamat sa pamunuan ng Abante at Abante Tonite lalo na sa Pangulo ng mga pahayagang ito na si Rey Marfil at General Ma­nager Gil Cabacungan sa pagkakataong makapagsulat at maihayag ang ating personal na pananaw at kuro-kuro sa mga isyung bumabalot sa ating lipunan.

Gustuhin ko mang ipagpatuloy ang pagsusulat ay hindi na maaari dahil ako po ay tumatakbo sa pagka-senador sa May 13, 2019 midterm election. Alam naman po nating bawal sa mga kandidato na maging aktibo sa media sa panahon ng kampanya.

Nagpasya akong ipagpatuloy ang paglilingkod sa ating bayan sa Senado kaya nagpasya tayong tumakbo at umaasa ako sa inyong suporta.

Patuloy ang kahirapan at kagutuman, mga banta sa ating demokrasya, seguridad at integridad ng teritoryo ng bansa, at karapatang-pantao ng bawat isa. Lubos ko pong nauunawaan na kailangan natin ng maninindigan at titindig para sa bayan at sa bawat Pilipino.

Una na ang pagsasawalang-kibo ng gobyerno sa patuloy na panghihimasok ng China at pang-aagaw ng ating teritoryo sa West Philippine Sea.

Tayong lahat ay apektado sa usapin ng pananakop ng China sa ating teritoryo sa West Philippine Sea. Hindi lamang sa panganib sa ating seguridad kundi pati na rin sa pagkain at likas na yamang kanilang ninanakaw sa ating karagatan. Ngayon pati mga trabaho para sa mga Pilipino ay China ang nakikinabang.

Bilang isang dating sundalo, kakabit na ng aking pagkatao ang pagtatangol sa ating bayan mula sa mga kaaway ng estado at te­rorista. ‘Pag ina­agaw ang ating bayan, makakaasa po kayong lalabanan ko ito dahil kinabukasan ng ating bansa at mga susunod na henerasyon ang nakataya dito. Ipagpapa­tuloy natin ang labang ito sa Senado at tiwala akong kaisa ko po kayo sa hangaring ito.

Ito ay ilan lang sa mga isyung aking tatayuan sa Senado sa tulong ninyo at tulong ng ating Panginoong Maykapal.

Kailangan ng Otso Diretso: Alejano, Aquino, Diokno, Gutoc, Hilbay, Macalintal, Roxas at Tañada ang tulong ng bawat isa para sa Pilipinas, at para sa lahat ng Pilipino.