Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Labanan ng katwiran at batas

0 99

Mainit ang debate ngayon sa ginawang pagpapabakuna ng Presidential Security Group (PSG) sa kabila ng kawalan pa ng go signal at pag-apruba ng Food and Drugs Administration (FDA) para gamitin sa mga Pilipino ang mga natuklasang bakunang pangontra sa COVID-19.

Sari-saring opinyon, paniwala at mga pahayag ang laman ngayon ng mga kapehan at umpukan mula sa mga ordinaryong tao, hanggang sa Kamara at Senado dahil sa paniwalang may nagawang paglabag sa batas ang PSG sa kanilang pagpapabakuna.

Pero para sa mga opisyal ng Palasyo, maituturing na isa itong uri ng malasakit at sakripisyo ng PSG para lamang matiyak ang kaligtasan ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa COVID-19.

Hindi inalintana ng mga miyembro ng PSG ang peligro o posibleng maging epekto sa kanila ng bakuna, kung manganib ba o hindi ang kanilang buhay kapag pumalpak ang itinurok na vaccine sa kanila, basta ang mahalaga ay matiyak ang proketsiyon ng kalusugan ng Presidente.

Pursigido naman ang mga senador na maimbestigahan ang ginawang aksiyon ng liderato ng PSG at kapag napatunayang may nalabag na batas ay pananagutin umano ito.

Ayon sa ilang senador, nais nilang malaman kung sino ang nagbigay ng kumpas at kung paano nakapasok sa bansa ang bakunang hindi pa inaaprubahan ng vaccine experts kaya gigil ang mga ito na magisa at mapitpit sa pagtatanong si PSG Commander Brigadier General Jesus Durante III.

Para sa mga mambabatas at ng Bureau of Customs, posibleng maharap sa smuggling ang mga opisyal,ng PSG dahil hindi otorisado ang pagpasok ng bakuna sa bansa.

Pero ang sabi ng Palasyo, walang nilabag na batas at hindi krimen ang ginawang pagpapabakuna ng PSG. Ang labag umano ay ang distribusyon at pagbebenta ng gamot na hindi pa naaprubahan ng FDA.

Labanan ng katwiran ang mainit ngayon sa mga diskusyon at lahat ay may kanya-kanyang punto, tama man o mali, nakikinig lang ang madla sa iba’t ibang pananaw ng mg tao.

Bagamat nagpahayag ng kahandaan si General Durante na humarap sa mga imbestigasyon at akuin ang kanyang naging aksiyon, hindi naman pumayag si Pangulong Duterte na igisa siya ng mga mambabatas sa isyu.

Mabigat ang mensaheng binitiwan ng Presidente sa Kongreso at huwag aniyang piliting dumalo sa pagdinig ang kanyang PSG Chief at takut-takuting ipapa-contempt ito dahil hindi niya papayagang ipahiya at sirain ng mga senador ang kanyang opisyal.

Tila may pagbabantang inihayag ng Presidente na kapag nagpumilit ang mga senador ay hindi magiging maganda ang kalabasan at hindi magiging kaaya-aya para sa lahat.

May nalabag mang batas o wala, malinaw ang mensahe ng PSG: Ito ay para matiyak ang kaligtasan ng Presidente at hindi ito makakapitan ng mabagsik na COVID-19.

Ang sabi ng Presidente sa Kongreso, paaano magiging in aid of legislation ang gagawing imbestigasyon sa pagpapabakuna ng maaga ng PSG gayong hindi naman isinasailalim sa lehislasyon ang bakuna, kahit na anong uri pa ito,at kung para saan man ito.

Kung may puntos o wala, kayo na ang humusga.

Leave A Reply

Your email address will not be published.