Abante Tonite Interactive

Labayo, Morales gold sa lawn bowls

0 219

Sinilo ng Pinoy lawn bowlers ang unang gintong medalya sa lawn bowls competition matapos manaig sa men’s pairs kahapon sa 30th Southeast Asian Games sa Friendship Gate, Clark Global City sa Pampanga.

Pinayuko nina Rodel Labayo at Angelo Morales sina Woramet Singkeaw at Uthen Ontong, 19-11, ng Thailand upang idagdag sa nakulimbat na ginto ng Pilipinas.

Nakuntento sina Singkaew at Ontong sa silver medal habang sina Rais Muhammad Abdul at Rusli Muhammad Soufi ng Malaysia ay sumunggab ng bronze medal matapos pagpagin sina Amli Muhammad Arrif at Omar Abd Rahman, 22-9 ng Brunei.

Kinalawit naman ng Malaysian lawn bowlers ang gold medal sa men’s triple, nirehistro nila ang 14-8 panalo laban sa troika nina Elmer Abatayo, Homer Mercado at Christopher Dagpin ng Pilipinas.

Silver medal ang naiuwi ng Pilipinas habang napunta ang bronze medal kina Leong Khim Hoong, Melvin Kwang Yong Tan at Noui Ming Fook Matthew ng Singapore matapos kalusin sina Pollangeon Saman, Pongsiri Kunanon at Manakitpaiboon, 23-14 Sonthi ng Thailand. (Elech Dawa)