Abante Tonite Interactive

Labor group nababahala sa pagbawi ng water concession agreement

364

Nangangamba ang isang labor group sa kahihinatnan ng dalawang water concessionares na pinag-iinitan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Dahil sa walang puknat na batikos ay ­nababahala ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) na maaring sa mga kaalyado lamang ng gobyerno babagsak ang pamamahala sa ­tubig ng bansa.

Ayon kay Leody de ­Guzman, Pangulo ng BMP na kaya nais baklasin ang ­Manila Water at ­Maynilad ay para ibigay ang water ­concession agreement kina Dennis Uy at mag-asawang dating Senador Manny Villar at Senadora Cynthia Villar.

Ginawa ni De Guzman ang pahayag bilang reaksiyon sa pag-alok ni ­Pangulong Duterte sa dalawang water firms ng mga bagong kontrata na hindi umano nagta­taglay ng mga probisyon na makasasama sa gobyerno at sa publiko.

Ayon kay Duterte, dapat tanggapin ng Manila ­Water at Maynilad ang bagong kasunduan dahil kung hindi ay iuutos niya ang military takeover sa operasyon ng dalawang water utilities.

Subalit kahit tanggapin ng dalawang water concessionaires ang bagong kasunduan ay wala aniyang katiyakan na makakatakas ang mga ito sa pag-uusig.

Paulit-ulit na binatikos ni Duterte ang kasunduan na binuo noon pang 1997 (panahon ni Fidel Ramos) na tatagal hanggang 2022 at pinalawig ng MWSS hanggang 2037 noong 2009 (panahon ni Gloria Macapagal-Arroyo). Gayunmsn ay binawi ang extension ng concession agreement makaraang matuklasan ang umano’y hindi makatarungang mga probisyon na nakapaloob dito.

“Ang patunay diyan ay wala siyang plano na ipagba­wal na ang privatization sa tubig at sektor ng serbisyo tulad ng koryente, ospital , paaralan at transportasyon,” aniya.

Pasok ang pamilya ­Villar sa distribusyon ng tubig sa mga lalawigan sa pamamagitan ng kompanya nilang Prime Water Infrastructure Corporation.

Si Uy naman na taga-Davao ang may-ari ng Dito Telecommunity Corporation (dating Mislatel o Mindanao Islamic Telephone), ang ‘third telco’ ng bansa, kasosyo ang China Telecom na pag-aari ng pamahalaan ng China