Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Lacson: Hindi tayo anti-China, pinaglalaban lang `Pinas

0 49

Nilinaw ng pambato ng Partido Reporma sa 2022 presidential elections na ni Senador Panfilo `Ping’ Lacson na mahalagang mapanatili pa rin ang maayos na relasyon ng Pilipinas at China sa kabila ng gusot sa West Philippine Sea (WPS).

“Pagdating sa economy, dapat i-maintain natin `yong ating trade relations with China. Pero pagdating sa usaping West Philippine Sea, i-invoke natin `yong ating soberanya at saka `yong sovereign rights,” sabi ni Lacson sa isang panayam sa radyo.

Kapag naupo bilang pangulo sa 2022, tiniyak ni Lacson na plano niyang bumuo ng mas maayos na pakikipag-ugnayan sa China ngunit hindi sa puntong maghahari-harian ang mga ito sa teritoryo ng Pilipinas.

Binigyang-diin ng senador na hindi lamang Pilipinas at China ang may interes sa WPS, ngunit maging ang Amerika, iba pang mga bansa sa Europa, at lahat ng mga nakapalibot sa Asia-Pacific dahil halos nasa 10 o 12 porsyento ng pandaigdigang kalakalan ang dumadaan sa pinag-aagawang karagatan.

“Hindi ko sinasabing pro-US tayo, hindi ko rin sinasabing anti-China tayo, pero alam din naman natin ‘yong foreign policy is always anchored on national interest, ‘di ba? E ano bang national interest natin? Malinaw naman pagdating sa West Philippine Sea, ang national interest natin ma-exercise natin ‘yong sovereign rights doon sa within 200 nautical miles,” paglilinaw ni Lacson.

Suportado ni Lacson at ng kanyang kandidato sa pagka-bise presidente na si Senate President Vicente `Tito’ Sotto III ang matagal nang isinusulong na freedom of navigation o kalayaan sa paglalayag sa WPS ng iba’t ibang mga bansa, alinsunod sa mga panuntunang nakatakda sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Leave A Reply

Your email address will not be published.