Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Lacson ilalaban pantay na trato sa LGBTQ

0 48

Tiniyak ni presidential candidate Panfilo `Ping’ Lacson na walang diskriminasyon ang ipaglalaban niya ang karapatan ng LGTBQ (lesbian, gay, bisexual, transgender, queer) community kapag naging pangulo siya ng bansa.

Ayon kay Lacson, gender equality o pantay na pagtrato sa lahat ng indibidwal ang magiging pamantayan ng kanyang pamunuan sakaling mahalal bilang susunod na pangulo ng bansa dahil hangad niya para sa lahat ang paggalang sa karapatang pantao.

“Pare-pareho tayong mga Pilipino. Actually, hindi lang sa Pilipinas, universal right po ito. Individual right ng bawat tao — mapalalaki, mapa-babae, mapa-LGBT — lahat may karapatan. Gender equality, ika nga… Pantay-pantay lahat, walang diskriminasyon,” ani Lacson.

Napag-usapan ang paksang ito nang tanungin ng isang nagpakilalang miyembro ng LGBT mula sa Brgy. Kamasi, Ampatuan Maguindanao kung saan bumisita si Lacson kamakalawa.

Ayon sa kanya, mayroon silang organisasyon sa Maguindanao na rehistrado sa Securities and Exchange Commission. Hinihiling ng kanilang grupo — na kinaaaniban ng mga guro, doktor, mga abogado, at iba pang propesyunal —ang pagkakaroon ng proteksyon mula sa gobyerno. Nakakaramdam pa rin umano kasi ng diskriminasyon ang ilang LGBT member sa kanilang lalawigan.

“Kung ano ‘yung proteksyon na ibinibigay sa bawat isang kababayan natin na Pilipino, dapat ibigay din sa lahat ng tao kabilang na sa tinatawag natin—kinabibilangan niyo—mga LGBT. So, ‘yon po ‘yong aking assurance, at kami po napaka-partikular dito,” tugon ni Lacson.

Leave A Reply

Your email address will not be published.