Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Lacson, istrikto at loyal swak na presidente-Sotto

0 260

Kinumpirma ni Senate President Vicente “Tito” Sotto ang umano’y namumuong tandem nila ni Senator Panfilo Lacson sa 2022 presidential election.

Sa isang panayam kamakailan, inamin ni Sotto na seryosong pinag-uusapan ang kanyang pagtakbo bilang bise-presidente ni Lacson sakaling tumakbo ang huli bilang pangulo ng bansa.

“Pinag-uusapan nga yan. Totoo namang pinag-uusapan yan. Siguro mga consultative meetings muna. Una, anong mai-offer at ano’ng track record? Tapos tingnan natin kung makakakuha ng suporta sa kababayan natin. Kung sakaling tatakbo si Senator Lacson, siguradong magkasama kami,” ani Sotto.

Dagdag ni Sotto, matagal na niyang kasama si Lacson kaya’t alam niya ang natatanging kwalipikasyon nito. “ Si Senator Lacson hindi corrupt at galit sa corrupt – para siyang Lee Kwan Yew ng Pilipinas. At dahil istrikto siya, pag nagdesisyon totohanan. Loyal. Yan ang kailangan nating qualities ng taong gusto nating lider natin… may puso, matapang, may paninindigan, may utak, at di corrupt,” diin niya.

Sa posibilidad na tatakbo rin bilang pangulo ang mga kilalang personalidad tulad ni Davao City Mayor at anak ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Sara Duterte, malinaw ang pananaw ni Sotto. “Siyempre formidable na kandidato yan. Kung ikaw makakaisip kumandidato, ang dapat isipin mo ano ma-offer mo sa bansa at sarili mo intindihin mo, hindi kung sino kasabay mo na tatakbo. Hindi magandang quality ng kandidato ang isipin ang kalaban. Alternative ka… I have no problem with whoever wants to run. Para may pagpilian ang kababayan natin,” paliwanag ng senate president.

Unang naging senador si Lacson noong 2001 at nagsilbi ng dalawang termino hanggang 2013. Muli siyang tumakbo bilang senador noong 2016. Naging bahagi din sya ng kabinete ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III bilang Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery (PARR) matapos ang super-typhoon Yolanda.

Kilala si Lacson sa kanyang paninindigan laban sa korapsyon. Bukod sa maraming batas na kanyang inakda, mahigpit ang pagtutol ni Lacson sa pork barrel system na aniya’y ugat ng corruption sa bansa.

Leave A Reply

Your email address will not be published.